Tuesday, October 23, 2007

SOBRA NA, TAMA NA, IBAGSAK NA ANG BULOK NA REHIMENG US-ARROYO!

Ika-25 ng Oktubre, 2007


SOBRA NA, TAMA NA! ang mahabang pasensya sa kabulukan ng napaka-imoral, peke, mandarambong at teroristang rehimeng US-Arroyo .

Sunod-sunod nang sumambulat at hindi na napigilan ang pagkalantad ng mga iskandalo ng katiwalian ng rehimen na nagbunsod ng panibagong kaso ng impeachment at nagtulak sa simbahang katoliko at iba pang sektor na magkaisa sa panawagan ng pagbibitiw.

Muling umalingasaw ang baho ng rehimen ng mabuko ang anomalya sa 329 Milyong Dolyar na ZTE Broadband project na kinasangkutan ng mismong Chairman ng COMELEC na si Benjamin Abalos na sadyang ginawang pansakripisyong tupa upang mapagtakpan ang papel ng mag-asawang Mike at Gloria Arroyo sa maanomalyang transaksyon. Nataranta ang kampo ni Arroyo sa pagtakip sa isyu kaya kagyat itong napatawag ng pulong ng mga kaalyado sa Malakanyang at dito garapalang nagpamudmod ng suhol sa mga Gobernador at Alkalde kapalit ng katapatan at suporta ng mga ito.

Nauna na dito ang 1 hanggang 2 milyong panunuhol sa mga kongresista at ang milyon-milyong ding suhol sa mga kurap na opisyal ng militar tulad nina Heneral Esperon.

Upang mapagtakpan ang kabulukang ito ng rehimen, kinailangan nitong gamitin ang lahat ng pinakamarumi at pinakatusong paraan para lang makapanatili sa poder tulad ng panunuhol. At nang makitang hindi na umuubra ang taktika ng panunuhol ay bumaling na ito sa kanilang matagal nang plano ng pagpapataw ng di-deklaradong Martial Law sa maskara ng Human Security Act upang makontrol ang nag-aalimpuyong sitwasyon sa kalunsuran at umiigting na armadong pakikibaka sa kanayunan at tiyaking makapanatili sa poder ng lampas sa 2010.

Kaugnay nito, ang rehimen ay muling nagsimula na maglikha ng paborableng klima para sa pagpapatupad ng Marial Law tulad ng pambobomba at iba pang aksyon ng terorismo ng estado upang maghasik ng matinding takot sa puso at isip ng mamamayan at bigyang katwiran ang marahas na pananalakay sa malalaking pagkilos ng mamamayan at sa pag-iingay ng mga oposisyon laban sa kanyang pananatili sa kapangyarihan.

Ang pambobomba ay bahagi ng isang desperadong pakana ng rehimen US-Arroyo na nakapaloob sa ”Oplan Green Base” na plinano nina Norberto Gonzales at Heneral Esperon. Batay sa pagbubulgar ni Sen. Trillanes, sa Oplan Green Base, militar mismo ang magsasagawa ng pambobomba sa mga piling matataong lugar upang maghasik ng terorismo na otomatikong iaakusa sa mga ”kalaban ng gobyerno” kasabay na ang oposisyong pulitikal at rebolusyonaryong kilusan. Gagamitin ito bilang mayor na bahagi ng taktika ng panlilihis upang iligaw ang publiko sa tunay na isyu ng malawakang katiwalian, pandarambong at garapalang suhulan tungo sa paglalatag ng kondisyon at pagbibigay katwiran sa mga ilulunsad na mararahas at madudugong pananalakay laban sa mamamayan sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 at sa pagpataw ng Martial Law.

Sa ganitong kalagayan, wala nang natitirang opsyon ang mamamayan kundi ang sama-samang pagkilos at pag-aalsang bayan upang ibagsak ang bulok at imoral na Rehimeng US-Arroyo.

Makatarungan lamang na magkaisa tayo -- mga manggagawa, magsasaka, kabataan, propesyunal at taga-midya, mga alagad ng simbahan, negosyante at pinunong makabayan-- sa pagpapabagsak sa bulok, peke, mandarambong, terorista at imoral na rehimeng US-Arroyo sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa mga mobilisasyong masa sa kalunsuran.

Makatarungan lamang na sumapi ang malawak na bilang ng mamamayan sa Bagong Hukbong Bayan at aktibong lumahok sa armadong pakikibaka tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

KASO NG NAKAWAN SA CASTILLA, LUMALALA

PAHAYAG SA MIDYA

23 Oktubre, 2007


Mariing kinokundena at pinapasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang panibagong pakana ng paninira ng AFP laban sa Rebolusyonaryong Kilusan.

Noong ika-17 ng Oktubre 2007 ninakaw ang paalagang baka ng isang pari sa Castilla. Inako ng nagpakilalang Hukbong Sandatahan Bayan Castilla ang krimen, ang diumanoy lokal na yunit ng BHB. Kaugnay nito, nais naming ilinaw ang sumusunod:

Una, walang kinalaman ang alinmang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa nasabing kaso ng pagnanakaw lalo’t higit wala ring ganoong yunit ang BHB saan mang lugar sa Sorsogon.

Pangalawa, ang Castilla sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng SOT at sinasalanta ng matinding militarisasyon. Ang pinangyarihan ng insidente ay saklaw ng mismong kampo ng 9th IB ng Philippine Army.

Hindi na bago ang mga kaso ng pagnanakaw at iba pang kaso ng paglabag sa karapatang pantao, tulad ng pananakot, panggagahasa, panununog ng bahay at pamamaslang ng inosenteng sibilyan. Ito po ay integral na bahagi lamang ng SOT upang makalikha ng matinding takot at perwisyo sa mamamayan na agad na ibubunton sa BHB upang kamuhian ito ng mamamayan.

Ngunit alam ng masa na kailanman ay hindi ito magagawa ng BHB sa kanila. Alam nila na ang BHB ang tunay nilang Hukbo, tagapagtanggol at matatag na sandata sa paglilikha ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.

Sa ganitong kaso, mungkahi naming imbestigahan at ilantad ang mga binuong grupo ng Philippine Army, tulad ng mga death squads at mga tulisan na may oryentasyong magsagawa ng mga nabanggit na krimen laban sa mamamayan at otomatikong ibibintang sa Bagong Hukbong Bayan. Ito ay bahagi ng maruming kampanyang saywar-propaganda ng AFP, sa disenyo ng OBL 2, laban sa rebolusyonaryong kilusan.


Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

PANAWAGAN SA MGA MAKABAYANG KAWAL , PULIS AT MGA ELEMENTO NG CAFGU

Ika-17 ng Oktubre, 2007


Ganap nang nalantad ang kabulukan ng napaka-imoral, peke, mandarambong at teroristang rehimeng US-Arroyo sa pagsambulat ng ibat-ibang iskandalo at anomalya sa gobyerno.

Bagamat hindi na ito bago sa mata ng publiko ngunit talagang umabot na sa sukdulan ang kawalanghiyaang ito ng rehimen na kinailangan nang maglaan ng milyon-milyong halaga upang ipansuhol sa mga opisyal ng burukrasya at militar para lang makapanatili sa poder.

Hindi pa nga nakakaalpas sa isyu ng malawakang pandaraya sa eleksyon gamit si Garcillano, sa fertilizer scam at sa maraming iba pang pandarambong, muli na namang nabulgar ang pinakabago at isa sa pinakamalaking iskandalo ng rehimen, ang maanomalyang transaksyon sa 329 milyong dolyar na ZTE Broadband project na kinasangkutan ng mismong Chairman ng COMELEC na si Benjamin Abalos na sadyang ginawang pansakripisyong tupa sa kaswapangan ng mag-asawang Mike at Gloria Arroyo.

Sadyang bulok na sa kaibuturan at bangkrap na sa moralidad ang rehimeng US-Arroyo dahil imbis na magbitiw na sa pwesto sa gitna ng sunod-sunod na iskandalo at ng panibagong impeachment, upang bigyan man lang ng kahit kaunting kahihiyan ang opisina ng pangulo at ang kanyang sarili bilang isang babae at isang ina, ay nagpamudmod ito ng mula sa 200 hanggang 500 daang libong pisong suhol sa bawat Gobernador at mga Mayor. Maliban pa ito sa 1 hanggang 2 milyong panunuhol sa mga kongresista at sa milyon-milyong ding suhol para sa katapatan ng mga kurap na opisyal ng militar tulad nina Heneral Esperon.

Sa kabilang panig, ang malupit na sagot sa pagkilos ng mamamayan laban sa kabulukan ng estado at rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na pagbabago ay ang patuloy, matindi at malawakang kampanya ng marahas at madugong pananalakay sa kanayunan at kalunsuran na masigasig at sistematikong isinasagawa ng rehimeng US-Arroyo sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 .

Kayong mga karaniwang sundalo, pulis at cafgu ang isinusuong sa madugong labanan sa kanayunan at ginagamit na malupit na tagawasak ng mga mobilisasyon sa kalunsuran upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan habang ang inyong mga opisyal ay nagpapakabundat sa kurakot mula sa dambuhalang pondo ng militar at maging sa inyong maliit na sahod at mga benepisyo at sa milyong suhol na tinatanggap. Napakabigat ibigay ng matagal nyo nang hinihinging pagtaas ng combat pay gayung bilyong piso ang ginugugol sa panunuhol at pagbili sa katapatan ng mga opisyal ng militar.

Kamakailan lang ay nagpaabot sa midya ang mga myembro ng CAFGU na ang kanilang kakarampot na alawans ay kinurakot ng kanilang mga opisyal. Maraming mga Cafgu na mula pa noong Hunyo ay di pa nakakatanggap ng kanilang alawans.

Sa ganitong kalagayan ng talamak na kurapsyon, marahas na pananalakay sa mamamayan at kawalang pag-asa, wala nang moral na batayan ang inyong pagtatanggol at pagbubuwis ng buhay para sa imoral at bulok na rehimen US-Arroyo.

Batid naming patuloy na lumalawak at lumalalim na ang disgusto at demoralisasyon sa inyong hanay. Maraming bilang na ng inyong mga kasamahan ang hindi na maatim na magsilbi at magtanggol pa sa bulok at imoral na rehimen na ang tanging alam na paraan upang desperadong makapangunyapit sa poder ay ang garapalang pagpapakatuta sa Imperyalismong US, malakihang pangungurakot at panunuhol, at sa marahas at madugong pananalakay sa mamamayang lumalaban.

Dahil dito, dapat nating maunawaan na hindi ang mamamayan at Rebolusyonaryong kilusan ang inyong tunay na kalaban. At bilang indibidwal, hindi rin kayo itinuring na kalaban ng Bagong Hukbong Bayan maliban lang sa ilan ninyong kasamahan na may malubhang krimen sa masa.

Ang tunay nating kalaban ay ang reaksyunaryong AFP at PNP na nagbubulok sa inyo upang maging reaksyunaryong hukbo at pulis na bulag na tagapagtanggol ng isang teroristang rehimen at bulag na tagasunod sa marahas at mapanupil na atake nito laban sa mamamayan.

Makatarungan lamang na magkaisa tayo upang maging tunay na tagapagsilbi at tagapagtanggol ng mamamayan sa pamamagitan ng hayagang pagsuway ninyo sa mga atas ng pananakot, panggagahasa, pagnanakaw, pagdukot at pamamaslang ng mga inosenteng sibilyan sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2.

Makatarungan lamang na magkaisa tayo sa pagpapabagsak sa bulok, peke, mandarambong, terorista at imoral na rehimeng US-Arroyo sa pamamagitan ng maramihang defection at ganap na pagsanib sa Bagong Hukbong Bayan.

Dala ang inyong mga armas, kagyat kayong makipag-ugnayan sa mga kasama o sa inyong mga kapamilya sa mga sonang gerilya at agad na magpasama sa alinmang yunit ng BHB.

Sa mga kasama sa AFP, PNP at CAFGU, ito na ang inyong napakahalaga at pambihirang pagkakataon upang muling ibalik ang inyong niyurakang dignidad at respeto sa sarili. Bilang mga bagong kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, ito na rin ang pinakapambihirang pagkakataon upang aktibo kayong makalahok sa makasaysayang pagbabago ng lipunan at maging tunay na hukbo ng Sambayanan.

Ang makasaysayang pagpapasya ng pagsanib na ito sa Bagong Hukbong Bayan ang pinakamarangal na pamana natin sa ating mga anak.

Ito rin ang pinakamarangal at tunay na ekpresyon ng ating paglilingkod sa Sambayanan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Wednesday, October 10, 2007

OPERATIBA NG DEATH SQUAD NG 2ND IB NAPARUSAHAN NA!

PAHAYAG SA MIDYA

Ika-7 ng Oktubre 2007


MATAGUMPAY NA NAPARUSAHAN ang isa sa magaling na tim lider at matinik na operatiba ng Death Squads ng 2nd IB Philippine Army matapos ang isang masinop at matiyagang operasyon ng Bagong Hukbong Bayan. Ang pagpaparusang ito ay bilang paggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa lahat ng naging biktima ng pandudukot at extra-judicial killings na ipinatutupad ng mga death squads na binuo ng 2nd IB PA sa Sorsogon sa ilalim ng OBL 2 ng rehimeng US-Arroyo.

Mapulang Paggpupugay ang ipinapaabot ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command sa mga kasamang nagsakatuparan ng operasyong ito.

Ika-6 ng Oktubre 2007, bandang alas 4:45 ng hapon, sa gitna ng maraming sundalo sa sabungan ng Casiguran, Sorsogon, pinarusahan ng mga operatiba ng BHB si Cpl Johnny Raymundo alyas Raymundo Guray / Babalu / Doremon – isang intelligence officer at isa sa mga pangunahing lider / operatiba ng mga death squads ng 2nd IB. Nakapanlaban pa ito ngunit mga sibilyan ang tinamaan.

Si Cp. Raymundo ang nakilala ng mga testigo na isa sa mga pumaslang kina Atty. Gil Gojol at sa driver nitong si Danilo France noong ika-12 ng Disyembre 2006 dakong 9:45 ng umaga sa isang ambus mga 200 metros lang ang layo mula sa detatsment ng Alpha Coy ng 22nd ”Cadre” Bn sa Bgy. San Ignacio, Gubat. Si Atty. Gojol ay isang kilalang Human Rights Lawyer sa Sorsogon at dating Sangguniang Panlalawigan Member. Isang araw bago ito ay brutal ding pinaslang si Crisanto Frivaldo sa bahay nito sa Bgy. San Julian, Irosin at isa ring dating volunteer human rights worker. Sa Sorsogon pa lamang, sina Danilo France at Atty. Gil Gojol ang ika-39 at ika-40 sa listahan ng utang na dugo ng berdugong Rehimeng US-Arroyo. Siya rin ang nakilalang namuno sa pamamaslang kay Ruben Ermino sa Barangay Tabi, Gubat, Sorsogon noong ika-23 ng Enero 2007. Si Ermino na isang tricycle driver at lokal na lider ng Partylist Bayan Muna ay binaril sa harap mismo ng kanyang mga pasahero. Dito tuluyang nalantad si Babalu at ang kanyang mga kasamahan.

Magsilbi na sana itong babala sa lahat ng lider at operatiba ng death squads ng AFP-PNP na sa likod ng inyong mga bonet at iba pang balatkayo ay may mga masa at mga kabaro ninyo mismo na naglalakas-loob na ibulgar kayo sa layuning matigil na ang inyong karahasan. Si Cpl. Raymundo ay hindi ang magiging huli sa mga mapaparusahan hanggat patuloy ang AFP-PNP sa pagsasagawa ng EJK at matinding militarisasyon sa kanayunan.

Alam naming hindi titigil ang kabaliwang ito ng berdugong Rehimeng US-Arroyo sa walang katuturang pag-patay, pagdukot, pagtortyur at pag-aresto sa mga progresibong aktibista, mga kabataang estudyante, taong simbahan, mga taga-midya, mga abogado at iba pang propesyunal at maging sa mga karaniwang manggagawa at magsasaka hanggat patuloy itong nakakapangunyapit sa poder kasama ang kanyang mga utak-pulburang alipores tulad nina Palparan, Esperon, Gonzaleses at Ermita na tila mga asong ulol sa pagsasakatuparan ng madugong Oplan Bantay Laya 2.

Sa patuloy na pampulitikang pamamaslang sa mga inosenteng sibilyan, wala nang naiiwang opsyon sa mga mamamayan kundi palakasin pa ang kanilang hanay para sa higit pang pagpapalawak at pagpapalakas ng kilusang masa sa kalunsuran at pagpapaigting ng armadong pakikibaka sa kanayunan upang labanan at durugin ang berdugong Rehimeng US-Arroyo at ang kanyang OBL 2.

Parusahan at Durugin ang mga Death Squads ng AFP-PNP!

Labanan at biguin ang Oplan Bantay Laya 2!

Ibagsak ang Terorista at Berdugong Rehimeng US- Arroyo!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

ISANG BUKAS NA LIHAM SA MGA MAKABAYANG TAGA-MIDYA SA SORSOGON

Ika-7 ng Oktubre, 2007


LUBHANG NAKABABAHALA NA ang patuloy, matindi, malawakan at sistematikong kampanya ng dis-impormasyon, panlilinlang at pananakot kasabay ng marahas at madugong pananalakay na sustenidong isinasagawa ng rehimeng US-Arroyo sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan.

Ito ay bahagi ng paghahangad ng rehimen na mapagpasyang magapi ang rebolusyonaryong kilusan bago ang 2010 batay sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 kung saan nakaprograma ang pagpapadalas, pagpapakapal at pagpapatindi ng paninira at saywar laban sa rebolusyonaryong kilusan, sa ligal na demokratikong kilusang masa at pulitikal na oposisyon kaalinsabay ng marahas na kampanya ng pamamaslang/extra judicial killings at teroristang panunupil maging sa mga inosenteng sibilyan na pinaghihinalaang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan upang makapaghasik ng matinding takot sa puso at isip ng mamamayan.

Bukod sa pagsusulong ng kontra-rebolusyonaryong digma laban sa Bagong Hukbong Bayan, mga rebolusyonaryong pwersa at baseng masa nito sa kanayunan, bahagi rin ng OBL 2 ang paghahasik ng militarisasyon, terorismo at pasistang saywar-propaganda sa kalunsuran sa layuning durugin ang buong ligal na demokratikong kilusan at rebolusyonaryong kilusang lihim. Hindi rin ligtas sa kontra-rebolusyonaryong atakeng ito ang mga kasama sa ibang bansa tulad nina kasamang Jose Maria Sison na kamakailan lang ay ibinartolina sa The Netherlands dahil sa gawa-gawang mga kaso. Siya ay agad namang pinalaya ng Hukumang Dutch dahil sa kahinaan ng kaso laban sa kanya.

Sadyang pursigido na ang rehimeng Arroyo, sa atas ng kapwa-teroristang amo nito - ang Imperyalismong US, na tudo-tudong ilunsad ang Oplan Bantay Laya 2 kahit magresulta man ito sa kamatayan ng libo-libong mamamayan dala ng gutom, sakit at ektra-hudisyal na pamamaslang. Nagsimula sila sa pagkukundisyon ng opinyong publiko upang pikit-matang tanggapin ang maruming pakana na ito.

Ito ang buhay na karanasan ng Sorsogon.

Naglatag ang kaaway ng isang sistematikong kampanyang saywar-propaganda hanggang 2010. Nilalaman ito ng mga internal na dokumento ng AFP-PNP na napasakamay ng BHB mula sa mga labanan. Nakikita rin natin ito ngayon sa galaw at mga pahayag ng mga punong upisyal ng rehimeng US- Arroyo sa seguridad, militar at pulisya.

Pinagtutuunan ng kanilang pasistang saywar-propaganda ang paglalabas ng mga gawa-gawang kaso o binaluktot na mga pangyayari upang palabasing mga terorista, mandarahas, mapang-abuso sa karapatang-tao, kriminal, hiwalay sa mamamayan at di tunay na rebolusyonaryo ang PKP-BHB. Patunay dito ang pamamaslang sa mga lokal na lider at aktibong kasapi ng Bayan Muna at iba pang samahang masa (na umaabot na sa 50 ang kaswalti sa Sorsogon lang) na pilit na ibinibintang sa BHB, pambabaluktot sa aktwal na nangyari tulad ng ambus sa Juban kung saan pilit na pinagtatakpan ang kanilang pamamaslang sa dalawang inosenteng sibilyan sa kabila ng patotoo ng mga nakasaksi sa lugar ng pinangyarihan, pagkubkob diumano sa mga inabandonang kampo at pagkabawi ng mga kagamitang miltar, pagpasuko ng mga pekeng BHB at maraming iba pa.

Sa pagpapalaganap ng lahat ng pakanang ito, pangunahing ginagamit ang mass media –print, tv at broadcast, mga pulong-pulong sa barangay na nasa ilalim ng SOTs at iba pang pamamaraan upang ipalaganap ang malawakan, matindi at madalas na pasistang saywar-propaganda. Nagbuo sila ng mga grupo ng mga propagandista tulad ni Basibas at maraming iba pa na sadyang sinanay sa pagtatahi ng kasinungalingan, paninira at maging sa personal na pag-atake sa mga personahe ng rebolusyonaryong kilusan. Maging si PD Regondola ay biktima rin ng kuryenteng ulat ng kanyang mga tauhan na naghahabol ng promosyon. Patuloy kayong pinapasahan ng mga baluktot na ulat at linubid na kasinungalingan at sa kabila ng pagkakabuko at matapang pa nila itong pinaninindigan na totoo.

Sa ganitong kalagayan, kami ay umaapela sa mapanuri, patas at makatotohanang pamamahayag sa Sorsogon.

Batayang karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan. Hindi dapat maitago sa publiko ng mapanlinlang na saywar-propaganda ang marahas at madugong pananalakay at kalupitan ng Oplan Bantay Laya 2 sa mamamayang Sorsoganon. Sa inyong mga radyo, tv at dyaryo nakasasalalay ang paghahayag ng katotohanan. Huwag po kayong pumayag na salaulain ito, sa ngalan ng pasistang saywar-propaganda, ng rehimeng US-Arroyo sa ilalim ng OBL 2.

Kaugnay nito, umaasa kaming palaging bukas ang midya ng Sorsogon na tanggapin at ibukas sa publiko ang mga liham, pahayag at iba pang porma ng komunikasyon ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command bilang sagot sa mga paninira at kasinungalingan ng AFP-PNP laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa aming mga pahayag ng paninindigan sa mahahalagang usaping pangrebolusyon at pambayan.

Hindi namin hinihingi na pumanig, magsimpatiya o sumuporta kayo sa rebolusyonaryong kilusan. Ang hinihingi lang namin ay patuloy kayong pumanig sa katotohanan at sa sambayanan.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga CAFGUs, CVOs at death squads kasabay ang mga mayor na ahensya ng gobyerno at mga NGOs na kasapakat ng rehimen ang pangunahing magpapatupad ng Oplan Bantay Laya 2. Ngunit tulad ng Oplan Bantay Laya I, ang OBL 2 ay tiyak na mabibigo dahil ito ay sadyang labag sa kapakanan at interes ng sambayanan. Higit lang itong magpapalala sa sosyal, pang-ekonomiya at pampulitikang krisis na dulot ng peke, pasista at mandarambong na rehimeng US-Arroyo. Ang OBL 2 ay magsisilbi lamang na pamaypay upang higit na pagliyabin ang apoy ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.

Ipinapaabot po namin ang aming Mapulang Pagpupugay!

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Ang Kabayanihan ng Kabataang Pilipino

Pahayag sa Midya

Ika-24 ng Setyembre 2007


Kailanman ay hindi nauunawaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Rehimen sa kabuuan, ang makasaysayang papel ng mga Kabataan sa pagbabago ng lipunan partikular sa pagsusulong ng armadong pakikibaka laban sa kaapihan at kahirapan na dulot ng kutsabahan ng lokal na naghaharing uri at dayuhang mananakop.

Kaugnay ito sa naging komentaryo ni Lt. Basibas hinggil sa pagbuwis ng buhay ng isang kabataan sa isang madugong engkwentro sa Bgy. Bonga, Bulan noong ika-23 ng Setyembre 2007. Namatay sa nasabing engkwentro si Kasamang Matthew Luvindino, 2nd year Electrical Engineering student mula sa Bicol University na naging magiting na kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.

Ipinakita ni Basibas ang kanyang pagiging ignorante sa kasaysayan. Hindi niya batid o sadyang binabaluktot ang mahalaga at makasaysayang papel ng mga kabataan tulad nina Gregorio del Pilar, Emilio Jacinto at sa maraming iba pa. Tulad ni Andres Bonifacio na namuno sa pagsulong ng Rebolusyong Pilipino 1896 laban sa dayuhang mananakop na Kastila at Amerikano sa pakikipagkutsabahan ng mga pilipinong sundalo. Ang mga tulad nina Del Pilar, Jacinto at maraming kabataan pa ang buong giting na nagbuwis ng buhay sa armadong pakikibaka para makamtan natin ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Sina Kasamang Matthew ang bagong henerasyon ng mga del Pilar at Jacinto na nag-alay ng buhay bilang mga tunay na hukbo ng sambayanan, tagapagtanggol ng mga mahihirap at inaapi, na nagsusulong ng bagong tipong rebolusyong pilipino, ang Pambansa Demokratikong Rebolusyon na magiting na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan tungo sa paglilikha ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.

Habang ang mga sundalo ng AFP/CAFGU/CVOs ay tila mga asong bayaran na sunod-sunuran sa dikta ng Imperyalismong US upang bulag na ipagtanggol ang interes at kapakanan ng mga naghaharing-uri ng mga panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador na kinakatawan ng peke, mandarambong, anti-mamamayan at teroristang rehimeng US-Arroyo na siyang ugat ng patuloy na tumitinding kaapihan at kahirapan sa bansa. Sila ang mga bayarang sundalo na sa kasalukuyan ay nananalanta sa mga kanayunan ng Sorsogon at buong bangis na nagsasagawa ng pananakot, pambubogbog, pandudukot, panununog ng bahay, sapilitang pagkawala ng sibilyan at malawakang extra-judicial killings ng kanilang mga death squads. Sila ang mabangis at marahas na tagapagpatupad ng Oplan Bantay Laya II.

Ang kamatayan ng mga bayaning tulad ni Kasamang Matthew ay simbigat ng Bundok Bintacan habang ang kamatayan ng mga katulad ni Basibas ay singgaan ng balahibo. Ang kamatayan ng mga martir ng rebolusyong pilipino tulad nina Andres Bonifacio, Del Pilar, Jacinto at Kasamang Matthew ay magsisilbing inspirasyon sa marami pang mga kabataan na iwanan ang maalwan at dekadenteng lipunan na kanilang ginagalawan upang tuluyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at gampanan ang kanilang makabuluhan at makasaysayang papel sa pagbabago ng lipunan.

Mabuhay si Kasamang Matthew at ang lahat ng Martir ng Rebolusyong Pilipino!

Mabuhayang Ang Bagong Hukbong Bayan!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Monday, September 24, 2007

TUTULAN AT LABANAN ANG MALAWAKAN AT MATINDING MILITARISASYON

Pahayag sa Midya

Ika- 21 ng Setyembre, 2007


Patuloy na tumitindi ang bangis at lupit ng militarisasyon sa kanayunan ng Sorsogon. Tulad ng pinaggagawa ng militar sa Castilla kung saan maraming sibilyan ang pinatay, sapilitang pagkawala at pagsilikas, pambubugbog at panununog ng bahay, kasalukuyang sinasalanta ng AFP ang mga bayan ng Magallanes, Juban, Bulan, Matnog, Gubat at Donsol. Ibat-ibang tipo ng abusong militar at paglabag sa karapatang-tao laban sa mamamayan ang naitala.

Noong ika-18 ng Setyembre 2007, muling naglunsad ng operasyong militar/SOT ang 2nd IB ng Philippine Army sa mga Barangay ng Catan-agan, Biriran at sa iba pang katabing mga Barangay sa Juban. Maraming kaso ng abusong militar ang lihim na ipinapaabot ng mga sibilyan upang maimbestigahan ng mga opisyal ng bayan at mga taga-midya. Batay sa ulat, marami ang dinampot at inimbestigahan, pilit na pumapasok sa mga bahay ng masa kahit dis-oras na ng gabi, iligal na panghahalughog, pambabastos sa kababaihan, malalang pagbabanta at pananakot, sapilitang pagpapaamin na diumano’y kasapi, ’poste’ kundi man simpatisador ng Bagong Hukbong Bayan, pagpapain ng mga sibilyan sa mga sakyada at pag-oobliga sa kanila na magbantay sa mga tsekpoints. Noong ika-20 ng Setyembre 2007, isang magsasaka sa Barangay Biriran, si Delfin Desder, 85 taong gulang, ang inatake sa puso na naging sanhi ng kanyang pagkamatay matapos ipatawag ng mga militar. Sa manera ng imbestigasyon at pananakot ng militar, marami pa ang aatakehin sa puso at mamamatay maliban pa sa mga magiging biktima ng extra-judicial killings.

Ang karahasang militar na ito ay malagim na bahagi ng OPLAN BANTAY LAYA II, ang madugong karugtong ng palpak na OPLAN BATAY LAYA I na naglalayong durugin ang Rebolusyonaryong Kilusan sa pamamagitan ng madugong atake sa mga sibilyan, mga progresibong pwersa at oposisyong pulitikal.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kasabay na ang pareho ding abusadong mga CAFGUs, CVOs at death squads ang pangunahing magpapatupad ng Oplan Bantay Laya II sa ilalim ng Rehimeng US-Arroyo at tulad ng Oplan Bantay Laya I, ay tiyak na mabibigo dahil ito ay sadyang labag sa kapakanan at interes ng sambayanan. Ang OPLAN na ito ay magsisilbi lamang na pamaypay upang higit na pagliyabin ang apoy ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

AMNESTIYA NG REHIMENG US-ARROYO, IBASURA!

Pahayag sa Midya

Ika- 21 ng Setyembre 2007


WALANG PINAG-IBA SA MGA NAUNANG INILAKONG PROGRAMA NG NAUNANG MGA REHIMEN, ang bagong pakana na Social Integration Program ng rehimeng US-Arroyo ay isang hungkag ngunit makamandag na amnesty program na walang ibang layunin kundi ang linlangin ang masa at ibang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Ang tunay na layunin ng bagong programang ito sa amnestiya, tulad ng mga nauna, ay gawing gatasan ng mga kurap na opisyal ng militar at ng administrasyong Arroyo sa pamamagitan ng pagpapasuko ng mga pekeng rebelde, pagnanakaw ng milyon-milyong pabuya, pagbabayad ng mahal sa mga sirang armas na kalimitan ay galing sa militar mismo at paglulunsad ng mga multong proyekto sa mga diumano’y kooperatiba ng mga sumuko.

Ang paglalako ng amnestiyang ito ay isang malinaw na patunay ng kawalang sinseridad ng Rehimeng US-Arroyo sa pagharap sa usapang pangkapayapaan at sa mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian. Malinaw na patunay din ito ng kanilang kasalatan sa paggagap o kundi man pagsasantabi sa tunay na ugat ng insurhensya sa bansa at ang makatarungan at pang matagalang solusyon dito. Kailanman ay hindi solusyon ang amnestiya sa umiigting na digmang bayan bagkos ay magbibibigay puwang lang ito sa malawakang panloloko at pangungurakot ng mga nasa kapangyarihan.

Wala itong pinag-iba sa iba pang tipo ng pagnanakaw at kurakot sa Gobyerno tulad Macapagal Highway, Fertilizer scam at maraming iba pa kung saan nagkamal ng limpak-limpak na kurakot ang mga opisyal ng Gobyerno. Kamakailan lang ay nabulgar ang anomalya sa ZTE Broadband deal na kinasangkutang ng milyong dolyar na kurakot. Sangkot na naman dito ang magaling lumusot sa kurakot na asawa ng pangulo, si FG Mike ” Jose Pidal” Arroyo.

Pinatunayan ng kasaysayan ang kawalang saysay ng amnestiya. Simula sa pagsuko ni Emilio Aguinaldo at ang pagbigay ng amnestiya sa kanya ng mga Amerikano hanggang sa panahon ng Hukbalahap at lumang Partido sa pamumuno ng mga Lava at Taruc at maging sa kasalukuyang henerasyon ng mga sumuko ay hindi nito nalutas ang mga batayang suliranin ng lipunan na siyang pangunahing salik sa pag-aalsa at pagrerebolusyon. Ang pagsuko at pagtanggap ng amnestiya ay pagbibigay puwang upang makapanatili sa kapangyarihan ang isa peke, mandarambong at anti-mamamayang rehimen at pag-aantala ng pagsulong ng rebolusyonaryong proseso para sa pagbabago ng lipunan.

Ang usapang pangkapayapaan ay isang pagsisikap at mahalagang rekisito para sa mapayapang resolusyon sa krisis na maisasakatuparan lamang sa ilalim ng isang matinong administrasyon. Ang amnestiya ng Rehimeng US-Arroyo ay maliwanag na pagsasabotahe sa mga pagsisikap na ito at sasamantalahin lang ng mga kurap sa gobyerno at militar. Ang tanging makatarungan at pangmatagalang solusyon sa kasalukuyang lumalalang krisis sa Lipunang Pilipino ay ang paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Wednesday, August 15, 2007

UNILATERAL CEASEFIRE NG BHB-CMC-SORSOGON, TINAPOS NA

Pahayag sa Midya

Ika-14 ng Agosto 2007

UNILATERAL CEASEFIRE NA IDINEKLARA NG BHB-CMC-SORSOGON

KAUGNAY SA PAGPUTOK NG BULKANG BULUSAN AY TINATAPOS NA!

PORMAL NANG TINATAPOS BAGONG HUKBONG BAYAN - CELSO MINGUEZ COMMAND ANG IDINEKLARANG UNILATERAL CEASEFIRE kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Bulusan noong ika-14 ng Agosto 2007.

Ang maagang terminasyon ng ideneklarang ceasefire ay bunsod ng patuloy na pananalakay ng AFP-PNP sa mga lugar na saklaw ng 15 kilometrong Danger Zone. Kaugnay nito muling ibinubukas sa normal na operasyon ng lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan ang mga naturang lugar.

Mahigpit na pinapayuhan ang mga ahensya ng gobyerno, civic at non-goverment organizations na umiwas o huwag pumayag na sumabay ang anumang yunit ng militar sa kanilang inilulunsad na relief and rehab operations upang makaiwas sa anumang tipo ng kapahamakan. Hinihingi po namin ang inyong kooperasyon sa pagkakataong ito.

Kailangang ipreserba ng Bagong Hukbong Bayan ang kanyang sarili mula sa bagong upong utak-pulburang Commanding Officer ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army na si Lt. Col. Rodrigo T. Gregorio.

Nanawagan kami sa lahat ng peace loving Sorsoganon na tutulan at labanan ang militaristang pamumuno ni Lt. Col. Gregorio. Hindi ito makakatulong sa paghahanap natin ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Sorsogon.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Tuesday, August 14, 2007

ISANG BUKAS NA LIHAM SA MGA KASAMANG BOKAL NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG SORSOGON

Ika-10 ng Agosto 2007

Mahal Naming Mga Kasama,

Isang Rebolusyonaryong Pagbati at Pangungumusta!

Hangad naming datnan kayo ng sulat na ito na nasa mabuting kalagayan at ligtas sa anumang kapahamakan kasama ang
inyong mga mahal sa buhay. Sa panig ng ating Hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan, kami ay nasa mabuting kalagayan
din at nagpapatuloy sa buhay at kamatayang pakikibaka tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya,
makatarungan, demokratiko at masagana.

Sumulat kami sa inyo upang ipaabot ang ilang punto ng paglilinaw na naglalayong makalikha ng isang mapayapa, may
respeto sa bawat-isa at mabungang relasyon sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng Sangguniang Panlalawigan.

Una, binabati namin kayo sa inyong panalo. Ang elektorado ay malayang nagpasya at ibinigay sa inyo ang kanilang
buong tiwala at suporta upang inyong pagsilbihan ng buong puso at katapatan. Iginagalang namin ang kapasyahang ito ng
mamamayang Sorsoganon.

Pangalawa, nais naming ilinaw na walang katotohanan at purong kathang isip lamang ni Laurenaria ang paratang na may
sampung (10) pulitiko pa na diumano’y nasa deathlist ng Bagong Hukbong Bayan dahil daw sa di pagbabayad o may
utang pa sa PTC/PTW at pati na ang iba pang-akusasyon na pawang kasinungalingan. Walang deathlist at naghahanap
lang ng kadamay si Laurenaria.

Pangatlo, magsilbi na rin sana itong paalala sa inyo na maging mapagbantay sa mga pakana ni Laurenaria sa loob ng
Sangguniang Panlalawigan. Nais niya kayong kasangkapanin sa kanyang personal na agenda laban sa rebolusyonaryong
kilusan. Sa pag-aastang kalaban niya ang rebolusyonaryong kilusan, nais ni Laurenaria na pikit-matang sang-ayunan ng
Sangguniang Panlalawigan ang balak na militarisasyon ng Sorsogon kagaya ng ginawa niya sa Castilla tulad ng pagbuo
ng mga Barangay Defense System (BDS) kasabay na ang inyong pagkonsente sa pagkakaroon niya ng sangkatutak na
goons na naglipana sa kapitolyo at binabayaran ng pundo ng gobyerno. Sa sobrang takot, gumawa pa ito ng sarili
niyang deathlist upang takutin at enganyuhin kayo at ang ibang pulitiko na magkaroon din ng sariling mga badigards
kagaya niya at tuluyan nang gawing garison ang inyong mga opisina. Minamaneobra lang ni Laurenaria ang sitwasyon
para madagdagan pa ang kanyang mga armadong alalay na magtitiyak ng kanyang seguridad.

Nakakaalarma ang maruming intensyon ni Laurenaria sa Sangguniang Panlalawigan kagaya ng ginawa niya sa
Sangguniang Bayan ng Casilla at sa pinakana niyang militarisasyon sa bayang ito. Malaking pahirap ang idinulot nito sa
mamamayan ng Castilla kung kaya gumanti sila sa pamamagitan ng higit pang pagsuporta sa BHB tulad ng pagboto laban
kay Laurenaria at sa kanyang mga alipores noong nakaraang eleksyon. Maging si Laurenaria kung hindi nandaya ay
nakasabay ng kanyang kapatid na ibinasura ng taga-Castilla. Walang moral na karapatan si Laurenaria na pamunuan ang
Sangguniang Panlalawigan at tratuhin kayong mga bobo na kayang paikutin sa kanyang mga pakana. Nagpapasalamat
kami at tama lang na hindi kayo napasakay sa isyu ng Guardacaza at sa iba pang paninira ni Laurenaria sa
rebolusyonaryong kilusan sa ngalan ng Sangguniang Panlalawigan. Mungkahi naming maging mapanuri kayo at kagyat
na kunin ang aming panig sa bawat intriga at paninira na ibabato sa amin gamit ang Sangguniang Panlalawigan. Hayaan
na lang ninyong mag-isa si Laurenaria na manginig sa takot sa kanyang sariling multo.

Iginagalang ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang Sangguniang Panlalawigan bilang isang marangal
na institusyon. Naniniwala kami sa inyong sinumpaang tungkulin na pagsisilbihan ang ating mamamayan sa
pamamagitan ng paggawa ng mga maka-masa, maka-kapayapaan at maka-kaunlarang resolusyon, ordinansa at mga lokal
na batas para sa kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon. Huwag nating hayaang salaulain ng isang Renato Laurenaria ang
Sangguniang Panlalawigan at hatakin ito sa kanyang sariling bangungot bunga ng sobrang takot sa masa at sa
rebolusyonaryong kilusan.

Palaging bukas ang Bagong Hukbong Bayan para sa isang pag-uusap kay Laurenaria sa tulong ng Sangguniang
Panlalawigan . Ang susi at unang hakbang dito ay ang pagtigil niya sa pagtatahi ng mga kasinungalingan at marahas na
pananalakay laban sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng kanyang ginawa sa Castilla at sa ngayon, sa buong
Sorsogon.

Ibukas lang din natin palagi kapwa ang pintuan ng Sangguniang Panlalawigan at ng Bagong Hukbong Bayan para sa
paghahanap ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Monday, August 13, 2007

ARMY, SUSPEK SA PAMAMASLANG KAY PHILVOLCS WORKER ORLANDO GUARDACAZA

Pahayag sa Midya

Ika-6 ng Agosto, 2007

Muling pinapasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang bago na namang kaso ng pamamaslang sa isang sibilyan at sa saklaw pa mismo ng idineklarang ceasefire zone na ibinibintang sa BHB ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army at PNP-Irosin

Ang diumano’y biktima ng terorismo ng BHB ay si Orlando Guardacaza. Ayon sa balita, si Guardacaza ay empleyado ng Philvocs na nakadestino sa pagmomonitor ng Mt. Bulusan. Siya ay binaril ng mga diumano’y operatiba ng BHB.

Ngunit taliwas ito sa resulta ng inisyal na imbestigasyon ng mga kasama. Batay sa ulat, si Guardacaza ay may nakalaban at nasuntok na opisyal ng PA sa pamamahay mismo ng biktima noong Disyembre 25, 2006. Ayon sa salaysay, nangyari ang insidente ng magpumilit na pumasok sa kwarto ng mag-asawang Guardacaza ang nasabing lasing na opisyal. Ang opisyal na kinilalang isang Vice-CO Aquino ay nakadestino sa detatsment ng Philippine Army sa Gabao, Irosin. Nagatungan ang hidwaan na ito ng iba pang insidente sa loob mismo ng pamilya na nauwi sa pagsampa ng kaso sa korte. Iniimbestigahan din ng BHB ang kaugnayan ng pamamaslang na ito sa alitan ng mag-asawang Guardacaza. Si Aquino sa ngayon ang pangunahing suspek na mastermind sa pamamaril.

Ang mga impormasyon na ito ang pilit na itinatago sa publiko ng 2nd IB gaya ng pambabaluktot nila sa kanilang kaso ng pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes, Sorsogon matapos ang isang matagumpay na ambus na inilunsad ng mga kasama na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng pitong iba pa. Ipinipilit ng 2nd IB na alas 11:30 ng gabi hanggang alas 2:00 ng madaling araw naganap ang ambus upang bigyan katwiran ang pagpatay sa dalawang sibilyan na unang pinaghinalaang mga kasapi ng BHB. Ang ambus ay naganap sa pagitan ng alas 8:00-9:00 ng gabi. Mapapatunayan ito ng lahat ng mga nakarinig sa unang bugso ng putokan.

Ang timing ng pamamaslang kay Guardacaza ay nakadesinyo upang ipakita sa publiko na walang saysay ang ideneklarang unilateral ceasefire dahil ang BHB mismo ang lantarang lumalabag dito at upang bigyang batayan ang malaon nang akusasyong terorista ang BHB. Layunin din ng AFP-PNP na iligaw ang isyu ng kanilang pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes at upang makabawi sa tinamong kabiguan sa ambus. Karaniwang nang mga sibilyan ang malimit gantihan at ginagamit na panlihis na isyu ng AFP-PNP-CAFGU sa bawat kabiguang tinatamo nito mula sa mga kasama.

Ang naturang insidente ay mayabang na sinakyan ng kasalukuyang Bise Gobernador Renato Laurenaria na nagpapanggap na maamong tupa na kumukundena sa naturang pamamaslang at sa iba pang diumano’y terorismo ng BHB upang pagtakpan ang kanyang utang na dugo sa mamamayan ng Castilla, Pilar at Donsol. Nais gamitin at idawit ni Laurenaria ang Sangguniang Panlalawigan sa kanyang personal na problema sa masa at rebolusyonaryong kilusan. Ang patuloy na pagpapakitang gilas at sagadsaring kontra-rebolusyonaryong postura ni Laurenaria ay bahagi lamang ng kanyang taktika upang madagdagan pa ang kanyang mga goons at badigards at makakuha na malawak na simpatiyang publiko upang pagtakpan ang kanyang mga krimen at ang malawakang pandaraya noong nakaraang eleksyon. Malinaw na isinusuka si Laurenaria ng Castilla kaya hindi ibonoto ang kanyang kapatid na tumakbong Mayor at hindi nya ito kinayang isabay sa pandaraya.

Ang paltik na tapang ni Laurenaria ay nakabatay at hiram lamang sa sangkatutak na armadong alipores na laging nakabuntot sa kanya. Takot si Laurenaria maging sa kanyang sariling anino. Gustong niyang idamay sa kanyang sariling bangungot ang diumano’y 10 pang pulitiko at ang Sangguniang Panlalawigan mismo. Malaking kalokohan po ito.

Kailanman ay hindi makakatulong sa paghahanap natin ng tunay na kapayapaan sa Sorsogon ang pagtatapang-tapangan ni Laurenaria at pagtatahi ng gawa-gawang akusasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Muli naming ipinapaabot sa mamamayang Sorsoganon na walang katotohanan ang mga akusasyon ng PNP-Irosin, 2nd IB PA at ni Laurenaria laban sa Bagong Hukbong Bayan partikular sa kaso ni Guardacaza.

Mahigpit na tumatalima ang lahat ng yunit ng BHB sa ideneklarang ceasefire sa loob ng 15 km danger zone kaugnay sa pagputok ng bulkang Bulusan kung saan saklaw ang lugar ng pinangyarihan. Suspendido ang lahat ng taktikal na opensiba ng BHB sa naturang mga lugar.

Kaugnay nito, aming inililinaw sa pamilya ni G. Orlando Guardacaza na walang kinalalaman ang BHB sa kanyang pagkamatay. Walang anumang krimen na nakasampa laban sa kanya kung gayon ay walang pasya ang Hukumang Bayan upang patawan siya ng parusang kamatayan. Kailanman ay walang kaso ng mistaken identity sa pagkamatay ni Guardacaza dahil walang inilunsad na operasyong militar ang BHB sa naturang lugar bilang pagtupad sa idineklara nitong unilateral ceasefire kaugnay sa pagputok ng Bulkang Bulusan.

Palalimin po natin ang isang imparsyal na imbestigasyon at huwag karakarakang maniwala sa ginagawang cover-up at taktika ng paglilihis sa tunay na isyu ng AFP-PNP na buong yabang na sinakyan ni Laurenaria makapanira lang sa rebolusyonaryong kilusan.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Thursday, August 2, 2007

Pahayag sa Midya

Ika-31 ng Hulyo, 2007


2ND INFANTRY BATTALION NG PHILIPPINE ARMY, SINUNGALING!

PILIT NA PINAGTATAKPAN NG 2ND IB NG PHILIPPINE ARMY NA NAKABASE SA BGY. AÑOG, JUBAN ANG KANILANG BRUTAL NA PAMAMASLANG SA DALAWANG INOSENTENG SIBILYAN matapos ang matagumpay na ambus ng Bagong Hukbong Bayan laban sa isang sekyon ng kanilang tropa sa Sityo Palapay, Bgy. Lajong, Juban, Sorsogon noong ika-29 ng Hulyo 2007.

Maging ang tunay na identidad ng kanilang mga biktima at aktwal na oras ng kanilang pagpaslang sa mga ito ay sadyang binago upang mapagtakpan ang kanilang taktikal na kabiguan at sa kabuuan ay lokohin ang mamamayan sa tunay na pangyayari.

Ang matagumpay na ambus na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang (2) sundalo na kinilalang sina Corporal Ronald P. Aurellana at Private First Class Jerry H. Badaguas at pagkasugat sa pitong (7) iba pa ay tumagal ng dalawampung minuto lamang batay sa plano ng mga kasama. Ang ambus ay nagsimula dakung alas 8:00 hanggang alas 8:20 ng gabi. Kaugnay nito, tiniyak sa ulat ng mga kasama na walang sibilyang nadamay at walang motorsiklo na nakapasok sa fire zone. Ang aktwal na binira ng mga kasama ay ang dalawampung (20) mersenaryong sundalo na nakasakay sa pampasaherong jeep na pag-aari ng 2nd IB.

Binaluktot sa ulat ni Basibas ang aktwal na oras at tagal ng ambus. Ayon kay Basibas, ang ambus ay naganap dakung alas 11:00 ng gabi. Sadyang binago ito upang bigyang katwiran ang pamamaril nila sa dalawang inosenteng sibilyang nakamotorsiklo na sinamang palad na nasawi sa kamay ng mga nininerbyos pang mga sundalo. Napaslang ang dalawang sibilyan ilang oras na ang nakaraan matapos itigil ang putukan habang maingat at ligtas na nakaatras mula sa ambush site ang mga kasama. Tuloy-tuloy na nagpapaputok ang mga sundalo kahit ilang kilometro nang nakalayo ang mga kasama. Sa panahong ito nabaril ang dalawang motorista na ayon sa mga nakasaksi ay pauwi galing sa bayan ng Juban. Pagdating sa ambus site, pinatigil sila ng natirang mga sundalong nakaposisyon sa gilid ng kalsada at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang dalawa.

Sadyang itinago din ang tunay na identidad ng mga biktima upang hindi na mabiripika ng midya ang tunay na pangyayari mula sa mga pamilya ng biktima at mga nakasaksi. Batay sa ulat ng 2nd IB ang mga biktima ng diumanoy terorismo ng NPA ay ang magkapatid na Erwin at Remar Dioquino. Ang tunay na pangalan ng dalawang biktima ay Reymar Lota at Erwin Equiz parehong nakatira sa Bgy. Sta. Elena, Magallanes. Karaniwan na ang ganitong kabalbalan ng AFP-PNP na sibilyan ang malimit gantihan sa mga tinatamong pagkatalo laban sa Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng kanilang ipinangangalandakang superyoridad sa bilang, kasanayan at armas.

Dapat matapang na aminin ng 2nd IB ang mga detalyeng ito at hindi laging duwag na ibintang sa Bagong Hukbong Bayan ang kanilang mga krimen sa mga sibilyan.

Minumungkahi namin sa midya na magkaroon ng sariling imbestigasyon sa kasong ito. May karapatan ang pamilya ng biktima at ang buong sambayanan na malaman ang buong katotohanan.

Patuloy na maglulunsad at papaigtingin pa ang mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan bilang tugon sa patuloy at papaigting pang karahasan ng AFP-PNP tulad ng humahaba pang listahan ng Extra-judicial killings na higit pang lalala sa pagpapatupad ng Rehimeng US-Arroyo ng diumano’y batas kontra sa terorismo o Human Security Act (HSA) na sa katunayan ay nagliligalisa lamang sa terorismo ng estado.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Pahayag sa Midya

Ika-31 ng Hulyo, 2007


UNILATERAL CEASEFIRE, IDINEKLARA NG BHB-CMC-SORSOGON

KAUGNAY SA PAGPUTOK NG BULKANG BULUSAN


PORMAL NA IDINEKLARA NG BAGONG HUKBONG BAYAN - CELSO MINGUEZ COMMAND ang isang Yunilateral na Tigil Putukan upang bigyang daan ang mapayapa at ligtas na paglulunsad ng mga relief and rehab operations ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno at non-goverment organizations kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Bulusan ngayon, ika-31 ng Hulyo 2007.

Magsisimulang ipatutupad ang Yunilateral na Tigil-Putukan ngayong araw na ito ng ika-31 ng Hulyo 2007 at magtatapos sa panahong tapos na rin ang mga kagyat na relief and rehab operations sa pamamagitan din ng isang deklarasyon ng terminasyon ng tigil-putukan.

Saklaw nito ang 15 kilometrong danger zone na may pangunahin diin sa mga direktang apektadong barangay.

Kaugnay nito, ipapatupad ng Celso Minguez Command ang patakarang Aktibong Pagdepensa.

Habang tinitiyak ang suspensyon ng mga taktikal na opensiba, hindi magdadalawang -isip ang lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan na i-ehersisyo ang kanyang karapatan na ipagtanggol ang sarili sa anumang pananalakay ng AFP-PNP, pang-iispiya at pananabotahe sa maskara ng operasyong relief and rehab.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita