Wednesday, August 15, 2007

UNILATERAL CEASEFIRE NG BHB-CMC-SORSOGON, TINAPOS NA

Pahayag sa Midya

Ika-14 ng Agosto 2007

UNILATERAL CEASEFIRE NA IDINEKLARA NG BHB-CMC-SORSOGON

KAUGNAY SA PAGPUTOK NG BULKANG BULUSAN AY TINATAPOS NA!

PORMAL NANG TINATAPOS BAGONG HUKBONG BAYAN - CELSO MINGUEZ COMMAND ANG IDINEKLARANG UNILATERAL CEASEFIRE kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Bulusan noong ika-14 ng Agosto 2007.

Ang maagang terminasyon ng ideneklarang ceasefire ay bunsod ng patuloy na pananalakay ng AFP-PNP sa mga lugar na saklaw ng 15 kilometrong Danger Zone. Kaugnay nito muling ibinubukas sa normal na operasyon ng lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan ang mga naturang lugar.

Mahigpit na pinapayuhan ang mga ahensya ng gobyerno, civic at non-goverment organizations na umiwas o huwag pumayag na sumabay ang anumang yunit ng militar sa kanilang inilulunsad na relief and rehab operations upang makaiwas sa anumang tipo ng kapahamakan. Hinihingi po namin ang inyong kooperasyon sa pagkakataong ito.

Kailangang ipreserba ng Bagong Hukbong Bayan ang kanyang sarili mula sa bagong upong utak-pulburang Commanding Officer ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army na si Lt. Col. Rodrigo T. Gregorio.

Nanawagan kami sa lahat ng peace loving Sorsoganon na tutulan at labanan ang militaristang pamumuno ni Lt. Col. Gregorio. Hindi ito makakatulong sa paghahanap natin ng tunay at pangmatagalang kapayapaan sa Sorsogon.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Tuesday, August 14, 2007

ISANG BUKAS NA LIHAM SA MGA KASAMANG BOKAL NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG SORSOGON

Ika-10 ng Agosto 2007

Mahal Naming Mga Kasama,

Isang Rebolusyonaryong Pagbati at Pangungumusta!

Hangad naming datnan kayo ng sulat na ito na nasa mabuting kalagayan at ligtas sa anumang kapahamakan kasama ang
inyong mga mahal sa buhay. Sa panig ng ating Hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan, kami ay nasa mabuting kalagayan
din at nagpapatuloy sa buhay at kamatayang pakikibaka tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya,
makatarungan, demokratiko at masagana.

Sumulat kami sa inyo upang ipaabot ang ilang punto ng paglilinaw na naglalayong makalikha ng isang mapayapa, may
respeto sa bawat-isa at mabungang relasyon sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng Sangguniang Panlalawigan.

Una, binabati namin kayo sa inyong panalo. Ang elektorado ay malayang nagpasya at ibinigay sa inyo ang kanilang
buong tiwala at suporta upang inyong pagsilbihan ng buong puso at katapatan. Iginagalang namin ang kapasyahang ito ng
mamamayang Sorsoganon.

Pangalawa, nais naming ilinaw na walang katotohanan at purong kathang isip lamang ni Laurenaria ang paratang na may
sampung (10) pulitiko pa na diumano’y nasa deathlist ng Bagong Hukbong Bayan dahil daw sa di pagbabayad o may
utang pa sa PTC/PTW at pati na ang iba pang-akusasyon na pawang kasinungalingan. Walang deathlist at naghahanap
lang ng kadamay si Laurenaria.

Pangatlo, magsilbi na rin sana itong paalala sa inyo na maging mapagbantay sa mga pakana ni Laurenaria sa loob ng
Sangguniang Panlalawigan. Nais niya kayong kasangkapanin sa kanyang personal na agenda laban sa rebolusyonaryong
kilusan. Sa pag-aastang kalaban niya ang rebolusyonaryong kilusan, nais ni Laurenaria na pikit-matang sang-ayunan ng
Sangguniang Panlalawigan ang balak na militarisasyon ng Sorsogon kagaya ng ginawa niya sa Castilla tulad ng pagbuo
ng mga Barangay Defense System (BDS) kasabay na ang inyong pagkonsente sa pagkakaroon niya ng sangkatutak na
goons na naglipana sa kapitolyo at binabayaran ng pundo ng gobyerno. Sa sobrang takot, gumawa pa ito ng sarili
niyang deathlist upang takutin at enganyuhin kayo at ang ibang pulitiko na magkaroon din ng sariling mga badigards
kagaya niya at tuluyan nang gawing garison ang inyong mga opisina. Minamaneobra lang ni Laurenaria ang sitwasyon
para madagdagan pa ang kanyang mga armadong alalay na magtitiyak ng kanyang seguridad.

Nakakaalarma ang maruming intensyon ni Laurenaria sa Sangguniang Panlalawigan kagaya ng ginawa niya sa
Sangguniang Bayan ng Casilla at sa pinakana niyang militarisasyon sa bayang ito. Malaking pahirap ang idinulot nito sa
mamamayan ng Castilla kung kaya gumanti sila sa pamamagitan ng higit pang pagsuporta sa BHB tulad ng pagboto laban
kay Laurenaria at sa kanyang mga alipores noong nakaraang eleksyon. Maging si Laurenaria kung hindi nandaya ay
nakasabay ng kanyang kapatid na ibinasura ng taga-Castilla. Walang moral na karapatan si Laurenaria na pamunuan ang
Sangguniang Panlalawigan at tratuhin kayong mga bobo na kayang paikutin sa kanyang mga pakana. Nagpapasalamat
kami at tama lang na hindi kayo napasakay sa isyu ng Guardacaza at sa iba pang paninira ni Laurenaria sa
rebolusyonaryong kilusan sa ngalan ng Sangguniang Panlalawigan. Mungkahi naming maging mapanuri kayo at kagyat
na kunin ang aming panig sa bawat intriga at paninira na ibabato sa amin gamit ang Sangguniang Panlalawigan. Hayaan
na lang ninyong mag-isa si Laurenaria na manginig sa takot sa kanyang sariling multo.

Iginagalang ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang Sangguniang Panlalawigan bilang isang marangal
na institusyon. Naniniwala kami sa inyong sinumpaang tungkulin na pagsisilbihan ang ating mamamayan sa
pamamagitan ng paggawa ng mga maka-masa, maka-kapayapaan at maka-kaunlarang resolusyon, ordinansa at mga lokal
na batas para sa kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon. Huwag nating hayaang salaulain ng isang Renato Laurenaria ang
Sangguniang Panlalawigan at hatakin ito sa kanyang sariling bangungot bunga ng sobrang takot sa masa at sa
rebolusyonaryong kilusan.

Palaging bukas ang Bagong Hukbong Bayan para sa isang pag-uusap kay Laurenaria sa tulong ng Sangguniang
Panlalawigan . Ang susi at unang hakbang dito ay ang pagtigil niya sa pagtatahi ng mga kasinungalingan at marahas na
pananalakay laban sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng kanyang ginawa sa Castilla at sa ngayon, sa buong
Sorsogon.

Ibukas lang din natin palagi kapwa ang pintuan ng Sangguniang Panlalawigan at ng Bagong Hukbong Bayan para sa
paghahanap ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

Monday, August 13, 2007

ARMY, SUSPEK SA PAMAMASLANG KAY PHILVOLCS WORKER ORLANDO GUARDACAZA

Pahayag sa Midya

Ika-6 ng Agosto, 2007

Muling pinapasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang bago na namang kaso ng pamamaslang sa isang sibilyan at sa saklaw pa mismo ng idineklarang ceasefire zone na ibinibintang sa BHB ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army at PNP-Irosin

Ang diumano’y biktima ng terorismo ng BHB ay si Orlando Guardacaza. Ayon sa balita, si Guardacaza ay empleyado ng Philvocs na nakadestino sa pagmomonitor ng Mt. Bulusan. Siya ay binaril ng mga diumano’y operatiba ng BHB.

Ngunit taliwas ito sa resulta ng inisyal na imbestigasyon ng mga kasama. Batay sa ulat, si Guardacaza ay may nakalaban at nasuntok na opisyal ng PA sa pamamahay mismo ng biktima noong Disyembre 25, 2006. Ayon sa salaysay, nangyari ang insidente ng magpumilit na pumasok sa kwarto ng mag-asawang Guardacaza ang nasabing lasing na opisyal. Ang opisyal na kinilalang isang Vice-CO Aquino ay nakadestino sa detatsment ng Philippine Army sa Gabao, Irosin. Nagatungan ang hidwaan na ito ng iba pang insidente sa loob mismo ng pamilya na nauwi sa pagsampa ng kaso sa korte. Iniimbestigahan din ng BHB ang kaugnayan ng pamamaslang na ito sa alitan ng mag-asawang Guardacaza. Si Aquino sa ngayon ang pangunahing suspek na mastermind sa pamamaril.

Ang mga impormasyon na ito ang pilit na itinatago sa publiko ng 2nd IB gaya ng pambabaluktot nila sa kanilang kaso ng pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes, Sorsogon matapos ang isang matagumpay na ambus na inilunsad ng mga kasama na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng pitong iba pa. Ipinipilit ng 2nd IB na alas 11:30 ng gabi hanggang alas 2:00 ng madaling araw naganap ang ambus upang bigyan katwiran ang pagpatay sa dalawang sibilyan na unang pinaghinalaang mga kasapi ng BHB. Ang ambus ay naganap sa pagitan ng alas 8:00-9:00 ng gabi. Mapapatunayan ito ng lahat ng mga nakarinig sa unang bugso ng putokan.

Ang timing ng pamamaslang kay Guardacaza ay nakadesinyo upang ipakita sa publiko na walang saysay ang ideneklarang unilateral ceasefire dahil ang BHB mismo ang lantarang lumalabag dito at upang bigyang batayan ang malaon nang akusasyong terorista ang BHB. Layunin din ng AFP-PNP na iligaw ang isyu ng kanilang pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes at upang makabawi sa tinamong kabiguan sa ambus. Karaniwang nang mga sibilyan ang malimit gantihan at ginagamit na panlihis na isyu ng AFP-PNP-CAFGU sa bawat kabiguang tinatamo nito mula sa mga kasama.

Ang naturang insidente ay mayabang na sinakyan ng kasalukuyang Bise Gobernador Renato Laurenaria na nagpapanggap na maamong tupa na kumukundena sa naturang pamamaslang at sa iba pang diumano’y terorismo ng BHB upang pagtakpan ang kanyang utang na dugo sa mamamayan ng Castilla, Pilar at Donsol. Nais gamitin at idawit ni Laurenaria ang Sangguniang Panlalawigan sa kanyang personal na problema sa masa at rebolusyonaryong kilusan. Ang patuloy na pagpapakitang gilas at sagadsaring kontra-rebolusyonaryong postura ni Laurenaria ay bahagi lamang ng kanyang taktika upang madagdagan pa ang kanyang mga goons at badigards at makakuha na malawak na simpatiyang publiko upang pagtakpan ang kanyang mga krimen at ang malawakang pandaraya noong nakaraang eleksyon. Malinaw na isinusuka si Laurenaria ng Castilla kaya hindi ibonoto ang kanyang kapatid na tumakbong Mayor at hindi nya ito kinayang isabay sa pandaraya.

Ang paltik na tapang ni Laurenaria ay nakabatay at hiram lamang sa sangkatutak na armadong alipores na laging nakabuntot sa kanya. Takot si Laurenaria maging sa kanyang sariling anino. Gustong niyang idamay sa kanyang sariling bangungot ang diumano’y 10 pang pulitiko at ang Sangguniang Panlalawigan mismo. Malaking kalokohan po ito.

Kailanman ay hindi makakatulong sa paghahanap natin ng tunay na kapayapaan sa Sorsogon ang pagtatapang-tapangan ni Laurenaria at pagtatahi ng gawa-gawang akusasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Muli naming ipinapaabot sa mamamayang Sorsoganon na walang katotohanan ang mga akusasyon ng PNP-Irosin, 2nd IB PA at ni Laurenaria laban sa Bagong Hukbong Bayan partikular sa kaso ni Guardacaza.

Mahigpit na tumatalima ang lahat ng yunit ng BHB sa ideneklarang ceasefire sa loob ng 15 km danger zone kaugnay sa pagputok ng bulkang Bulusan kung saan saklaw ang lugar ng pinangyarihan. Suspendido ang lahat ng taktikal na opensiba ng BHB sa naturang mga lugar.

Kaugnay nito, aming inililinaw sa pamilya ni G. Orlando Guardacaza na walang kinalalaman ang BHB sa kanyang pagkamatay. Walang anumang krimen na nakasampa laban sa kanya kung gayon ay walang pasya ang Hukumang Bayan upang patawan siya ng parusang kamatayan. Kailanman ay walang kaso ng mistaken identity sa pagkamatay ni Guardacaza dahil walang inilunsad na operasyong militar ang BHB sa naturang lugar bilang pagtupad sa idineklara nitong unilateral ceasefire kaugnay sa pagputok ng Bulkang Bulusan.

Palalimin po natin ang isang imparsyal na imbestigasyon at huwag karakarakang maniwala sa ginagawang cover-up at taktika ng paglilihis sa tunay na isyu ng AFP-PNP na buong yabang na sinakyan ni Laurenaria makapanira lang sa rebolusyonaryong kilusan.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Thursday, August 2, 2007

Pahayag sa Midya

Ika-31 ng Hulyo, 2007


2ND INFANTRY BATTALION NG PHILIPPINE ARMY, SINUNGALING!

PILIT NA PINAGTATAKPAN NG 2ND IB NG PHILIPPINE ARMY NA NAKABASE SA BGY. AÑOG, JUBAN ANG KANILANG BRUTAL NA PAMAMASLANG SA DALAWANG INOSENTENG SIBILYAN matapos ang matagumpay na ambus ng Bagong Hukbong Bayan laban sa isang sekyon ng kanilang tropa sa Sityo Palapay, Bgy. Lajong, Juban, Sorsogon noong ika-29 ng Hulyo 2007.

Maging ang tunay na identidad ng kanilang mga biktima at aktwal na oras ng kanilang pagpaslang sa mga ito ay sadyang binago upang mapagtakpan ang kanilang taktikal na kabiguan at sa kabuuan ay lokohin ang mamamayan sa tunay na pangyayari.

Ang matagumpay na ambus na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang (2) sundalo na kinilalang sina Corporal Ronald P. Aurellana at Private First Class Jerry H. Badaguas at pagkasugat sa pitong (7) iba pa ay tumagal ng dalawampung minuto lamang batay sa plano ng mga kasama. Ang ambus ay nagsimula dakung alas 8:00 hanggang alas 8:20 ng gabi. Kaugnay nito, tiniyak sa ulat ng mga kasama na walang sibilyang nadamay at walang motorsiklo na nakapasok sa fire zone. Ang aktwal na binira ng mga kasama ay ang dalawampung (20) mersenaryong sundalo na nakasakay sa pampasaherong jeep na pag-aari ng 2nd IB.

Binaluktot sa ulat ni Basibas ang aktwal na oras at tagal ng ambus. Ayon kay Basibas, ang ambus ay naganap dakung alas 11:00 ng gabi. Sadyang binago ito upang bigyang katwiran ang pamamaril nila sa dalawang inosenteng sibilyang nakamotorsiklo na sinamang palad na nasawi sa kamay ng mga nininerbyos pang mga sundalo. Napaslang ang dalawang sibilyan ilang oras na ang nakaraan matapos itigil ang putukan habang maingat at ligtas na nakaatras mula sa ambush site ang mga kasama. Tuloy-tuloy na nagpapaputok ang mga sundalo kahit ilang kilometro nang nakalayo ang mga kasama. Sa panahong ito nabaril ang dalawang motorista na ayon sa mga nakasaksi ay pauwi galing sa bayan ng Juban. Pagdating sa ambus site, pinatigil sila ng natirang mga sundalong nakaposisyon sa gilid ng kalsada at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang dalawa.

Sadyang itinago din ang tunay na identidad ng mga biktima upang hindi na mabiripika ng midya ang tunay na pangyayari mula sa mga pamilya ng biktima at mga nakasaksi. Batay sa ulat ng 2nd IB ang mga biktima ng diumanoy terorismo ng NPA ay ang magkapatid na Erwin at Remar Dioquino. Ang tunay na pangalan ng dalawang biktima ay Reymar Lota at Erwin Equiz parehong nakatira sa Bgy. Sta. Elena, Magallanes. Karaniwan na ang ganitong kabalbalan ng AFP-PNP na sibilyan ang malimit gantihan sa mga tinatamong pagkatalo laban sa Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng kanilang ipinangangalandakang superyoridad sa bilang, kasanayan at armas.

Dapat matapang na aminin ng 2nd IB ang mga detalyeng ito at hindi laging duwag na ibintang sa Bagong Hukbong Bayan ang kanilang mga krimen sa mga sibilyan.

Minumungkahi namin sa midya na magkaroon ng sariling imbestigasyon sa kasong ito. May karapatan ang pamilya ng biktima at ang buong sambayanan na malaman ang buong katotohanan.

Patuloy na maglulunsad at papaigtingin pa ang mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan bilang tugon sa patuloy at papaigting pang karahasan ng AFP-PNP tulad ng humahaba pang listahan ng Extra-judicial killings na higit pang lalala sa pagpapatupad ng Rehimeng US-Arroyo ng diumano’y batas kontra sa terorismo o Human Security Act (HSA) na sa katunayan ay nagliligalisa lamang sa terorismo ng estado.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

Pahayag sa Midya

Ika-31 ng Hulyo, 2007


UNILATERAL CEASEFIRE, IDINEKLARA NG BHB-CMC-SORSOGON

KAUGNAY SA PAGPUTOK NG BULKANG BULUSAN


PORMAL NA IDINEKLARA NG BAGONG HUKBONG BAYAN - CELSO MINGUEZ COMMAND ang isang Yunilateral na Tigil Putukan upang bigyang daan ang mapayapa at ligtas na paglulunsad ng mga relief and rehab operations ng ibat-ibang ahensya ng gobyerno at non-goverment organizations kaugnay ng pagsabog ng Bulkang Bulusan ngayon, ika-31 ng Hulyo 2007.

Magsisimulang ipatutupad ang Yunilateral na Tigil-Putukan ngayong araw na ito ng ika-31 ng Hulyo 2007 at magtatapos sa panahong tapos na rin ang mga kagyat na relief and rehab operations sa pamamagitan din ng isang deklarasyon ng terminasyon ng tigil-putukan.

Saklaw nito ang 15 kilometrong danger zone na may pangunahin diin sa mga direktang apektadong barangay.

Kaugnay nito, ipapatupad ng Celso Minguez Command ang patakarang Aktibong Pagdepensa.

Habang tinitiyak ang suspensyon ng mga taktikal na opensiba, hindi magdadalawang -isip ang lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan na i-ehersisyo ang kanyang karapatan na ipagtanggol ang sarili sa anumang pananalakay ng AFP-PNP, pang-iispiya at pananabotahe sa maskara ng operasyong relief and rehab.

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita