Pahayag sa Midya
Ika-6 ng Agosto, 2007
Muling pinapasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang bago na namang kaso ng pamamaslang sa isang sibilyan at sa saklaw pa mismo ng idineklarang ceasefire zone na ibinibintang sa BHB ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army at PNP-Irosin
Ang diumano’y biktima ng terorismo ng BHB ay si Orlando Guardacaza. Ayon sa balita, si Guardacaza ay empleyado ng Philvocs na nakadestino sa pagmomonitor ng Mt. Bulusan. Siya ay binaril ng mga diumano’y operatiba ng BHB.
Ngunit taliwas ito sa resulta ng inisyal na imbestigasyon ng mga kasama. Batay sa ulat, si Guardacaza ay may nakalaban at nasuntok na opisyal ng PA sa pamamahay mismo ng biktima noong Disyembre 25, 2006. Ayon sa salaysay, nangyari ang insidente ng magpumilit na pumasok sa kwarto ng mag-asawang Guardacaza ang nasabing lasing na opisyal. Ang opisyal na kinilalang isang Vice-CO Aquino ay nakadestino sa detatsment ng Philippine Army sa Gabao, Irosin. Nagatungan ang hidwaan na ito ng iba pang insidente sa loob mismo ng pamilya na nauwi sa pagsampa ng kaso sa korte. Iniimbestigahan din ng BHB ang kaugnayan ng pamamaslang na ito sa alitan ng mag-asawang Guardacaza. Si Aquino sa ngayon ang pangunahing suspek na mastermind sa pamamaril.
Ang mga impormasyon na ito ang pilit na itinatago sa publiko ng 2nd IB gaya ng pambabaluktot nila sa kanilang kaso ng pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes, Sorsogon matapos ang isang matagumpay na ambus na inilunsad ng mga kasama na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng pitong iba pa. Ipinipilit ng 2nd IB na alas 11:30 ng gabi hanggang alas 2:00 ng madaling araw naganap ang ambus upang bigyan katwiran ang pagpatay sa dalawang sibilyan na unang pinaghinalaang mga kasapi ng BHB. Ang ambus ay naganap sa pagitan ng alas 8:00-9:00 ng gabi. Mapapatunayan ito ng lahat ng mga nakarinig sa unang bugso ng putokan.
Ang timing ng pamamaslang kay Guardacaza ay nakadesinyo upang ipakita sa publiko na walang saysay ang ideneklarang unilateral ceasefire dahil ang BHB mismo ang lantarang lumalabag dito at upang bigyang batayan ang malaon nang akusasyong terorista ang BHB. Layunin din ng AFP-PNP na iligaw ang isyu ng kanilang pamamaslang sa dalawang sibilyan sa Magallanes at upang makabawi sa tinamong kabiguan sa ambus. Karaniwang nang mga sibilyan ang malimit gantihan at ginagamit na panlihis na isyu ng AFP-PNP-CAFGU sa bawat kabiguang tinatamo nito mula sa mga kasama.
Ang naturang insidente ay mayabang na sinakyan ng kasalukuyang Bise Gobernador Renato Laurenaria na nagpapanggap na maamong tupa na kumukundena sa naturang pamamaslang at sa iba pang diumano’y terorismo ng BHB upang pagtakpan ang kanyang utang na dugo sa mamamayan ng Castilla, Pilar at Donsol. Nais gamitin at idawit ni Laurenaria ang Sangguniang Panlalawigan sa kanyang personal na problema sa masa at rebolusyonaryong kilusan. Ang patuloy na pagpapakitang gilas at sagadsaring kontra-rebolusyonaryong postura ni Laurenaria ay bahagi lamang ng kanyang taktika upang madagdagan pa ang kanyang mga goons at badigards at makakuha na malawak na simpatiyang publiko upang pagtakpan ang kanyang mga krimen at ang malawakang pandaraya noong nakaraang eleksyon. Malinaw na isinusuka si Laurenaria ng Castilla kaya hindi ibonoto ang kanyang kapatid na tumakbong Mayor at hindi nya ito kinayang isabay sa pandaraya.
Ang paltik na tapang ni Laurenaria ay nakabatay at hiram lamang sa sangkatutak na armadong alipores na laging nakabuntot sa kanya. Takot si Laurenaria maging sa kanyang sariling anino. Gustong niyang idamay sa kanyang sariling bangungot ang diumano’y 10 pang pulitiko at ang Sangguniang Panlalawigan mismo. Malaking kalokohan po ito.
Kailanman ay hindi makakatulong sa paghahanap natin ng tunay na kapayapaan sa Sorsogon ang pagtatapang-tapangan ni Laurenaria at pagtatahi ng gawa-gawang akusasyon laban sa rebolusyonaryong kilusan.
Muli naming ipinapaabot sa mamamayang Sorsoganon na walang katotohanan ang mga akusasyon ng PNP-Irosin, 2nd IB PA at ni Laurenaria laban sa Bagong Hukbong Bayan partikular sa kaso ni Guardacaza.
Mahigpit na tumatalima ang lahat ng yunit ng BHB sa ideneklarang ceasefire sa loob ng 15 km danger zone kaugnay sa pagputok ng bulkang Bulusan kung saan saklaw ang lugar ng pinangyarihan. Suspendido ang lahat ng taktikal na opensiba ng BHB sa naturang mga lugar.
Kaugnay nito, aming inililinaw sa pamilya ni G. Orlando Guardacaza na walang kinalalaman ang BHB sa kanyang pagkamatay. Walang anumang krimen na nakasampa laban sa kanya kung gayon ay walang pasya ang Hukumang Bayan upang patawan siya ng parusang kamatayan. Kailanman ay walang kaso ng mistaken identity sa pagkamatay ni Guardacaza dahil walang inilunsad na operasyong militar ang BHB sa naturang lugar bilang pagtupad sa idineklara nitong unilateral ceasefire kaugnay sa pagputok ng Bulkang Bulusan.
Palalimin po natin ang isang imparsyal na imbestigasyon at huwag karakarakang maniwala sa ginagawang cover-up at taktika ng paglilihis sa tunay na isyu ng AFP-PNP na buong yabang na sinakyan ni Laurenaria makapanira lang sa rebolusyonaryong kilusan.
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
No comments:
Post a Comment