Tuesday, August 14, 2007

ISANG BUKAS NA LIHAM SA MGA KASAMANG BOKAL NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG SORSOGON

Ika-10 ng Agosto 2007

Mahal Naming Mga Kasama,

Isang Rebolusyonaryong Pagbati at Pangungumusta!

Hangad naming datnan kayo ng sulat na ito na nasa mabuting kalagayan at ligtas sa anumang kapahamakan kasama ang
inyong mga mahal sa buhay. Sa panig ng ating Hukbo, ang Bagong Hukbong Bayan, kami ay nasa mabuting kalagayan
din at nagpapatuloy sa buhay at kamatayang pakikibaka tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya,
makatarungan, demokratiko at masagana.

Sumulat kami sa inyo upang ipaabot ang ilang punto ng paglilinaw na naglalayong makalikha ng isang mapayapa, may
respeto sa bawat-isa at mabungang relasyon sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at ng Sangguniang Panlalawigan.

Una, binabati namin kayo sa inyong panalo. Ang elektorado ay malayang nagpasya at ibinigay sa inyo ang kanilang
buong tiwala at suporta upang inyong pagsilbihan ng buong puso at katapatan. Iginagalang namin ang kapasyahang ito ng
mamamayang Sorsoganon.

Pangalawa, nais naming ilinaw na walang katotohanan at purong kathang isip lamang ni Laurenaria ang paratang na may
sampung (10) pulitiko pa na diumano’y nasa deathlist ng Bagong Hukbong Bayan dahil daw sa di pagbabayad o may
utang pa sa PTC/PTW at pati na ang iba pang-akusasyon na pawang kasinungalingan. Walang deathlist at naghahanap
lang ng kadamay si Laurenaria.

Pangatlo, magsilbi na rin sana itong paalala sa inyo na maging mapagbantay sa mga pakana ni Laurenaria sa loob ng
Sangguniang Panlalawigan. Nais niya kayong kasangkapanin sa kanyang personal na agenda laban sa rebolusyonaryong
kilusan. Sa pag-aastang kalaban niya ang rebolusyonaryong kilusan, nais ni Laurenaria na pikit-matang sang-ayunan ng
Sangguniang Panlalawigan ang balak na militarisasyon ng Sorsogon kagaya ng ginawa niya sa Castilla tulad ng pagbuo
ng mga Barangay Defense System (BDS) kasabay na ang inyong pagkonsente sa pagkakaroon niya ng sangkatutak na
goons na naglipana sa kapitolyo at binabayaran ng pundo ng gobyerno. Sa sobrang takot, gumawa pa ito ng sarili
niyang deathlist upang takutin at enganyuhin kayo at ang ibang pulitiko na magkaroon din ng sariling mga badigards
kagaya niya at tuluyan nang gawing garison ang inyong mga opisina. Minamaneobra lang ni Laurenaria ang sitwasyon
para madagdagan pa ang kanyang mga armadong alalay na magtitiyak ng kanyang seguridad.

Nakakaalarma ang maruming intensyon ni Laurenaria sa Sangguniang Panlalawigan kagaya ng ginawa niya sa
Sangguniang Bayan ng Casilla at sa pinakana niyang militarisasyon sa bayang ito. Malaking pahirap ang idinulot nito sa
mamamayan ng Castilla kung kaya gumanti sila sa pamamagitan ng higit pang pagsuporta sa BHB tulad ng pagboto laban
kay Laurenaria at sa kanyang mga alipores noong nakaraang eleksyon. Maging si Laurenaria kung hindi nandaya ay
nakasabay ng kanyang kapatid na ibinasura ng taga-Castilla. Walang moral na karapatan si Laurenaria na pamunuan ang
Sangguniang Panlalawigan at tratuhin kayong mga bobo na kayang paikutin sa kanyang mga pakana. Nagpapasalamat
kami at tama lang na hindi kayo napasakay sa isyu ng Guardacaza at sa iba pang paninira ni Laurenaria sa
rebolusyonaryong kilusan sa ngalan ng Sangguniang Panlalawigan. Mungkahi naming maging mapanuri kayo at kagyat
na kunin ang aming panig sa bawat intriga at paninira na ibabato sa amin gamit ang Sangguniang Panlalawigan. Hayaan
na lang ninyong mag-isa si Laurenaria na manginig sa takot sa kanyang sariling multo.

Iginagalang ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command ang Sangguniang Panlalawigan bilang isang marangal
na institusyon. Naniniwala kami sa inyong sinumpaang tungkulin na pagsisilbihan ang ating mamamayan sa
pamamagitan ng paggawa ng mga maka-masa, maka-kapayapaan at maka-kaunlarang resolusyon, ordinansa at mga lokal
na batas para sa kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon. Huwag nating hayaang salaulain ng isang Renato Laurenaria ang
Sangguniang Panlalawigan at hatakin ito sa kanyang sariling bangungot bunga ng sobrang takot sa masa at sa
rebolusyonaryong kilusan.

Palaging bukas ang Bagong Hukbong Bayan para sa isang pag-uusap kay Laurenaria sa tulong ng Sangguniang
Panlalawigan . Ang susi at unang hakbang dito ay ang pagtigil niya sa pagtatahi ng mga kasinungalingan at marahas na
pananalakay laban sa masa at sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng kanyang ginawa sa Castilla at sa ngayon, sa buong
Sorsogon.

Ibukas lang din natin palagi kapwa ang pintuan ng Sangguniang Panlalawigan at ng Bagong Hukbong Bayan para sa
paghahanap ng tunay na kapayapaan at kaunlaran ng Sorsogon.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita

No comments: