Pahayag sa Midya
Ika-31 ng Hulyo, 2007
2ND INFANTRY BATTALION NG PHILIPPINE ARMY, SINUNGALING!
PILIT NA PINAGTATAKPAN NG 2ND IB NG PHILIPPINE ARMY NA NAKABASE SA BGY. AÑOG, JUBAN ANG KANILANG BRUTAL NA PAMAMASLANG SA DALAWANG INOSENTENG SIBILYAN matapos ang matagumpay na ambus ng Bagong Hukbong Bayan laban sa isang sekyon ng kanilang tropa sa Sityo Palapay, Bgy. Lajong, Juban, Sorsogon noong ika-29 ng Hulyo 2007.
Maging ang tunay na identidad ng kanilang mga biktima at aktwal na oras ng kanilang pagpaslang sa mga ito ay sadyang binago upang mapagtakpan ang kanilang taktikal na kabiguan at sa kabuuan ay lokohin ang mamamayan sa tunay na pangyayari.
Ang matagumpay na ambus na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang (2) sundalo na kinilalang sina Corporal Ronald P. Aurellana at Private First Class Jerry H. Badaguas at pagkasugat sa pitong (7) iba pa ay tumagal ng dalawampung minuto lamang batay sa plano ng mga kasama. Ang ambus ay nagsimula dakung alas 8:00 hanggang alas 8:20 ng gabi. Kaugnay nito, tiniyak sa ulat ng mga kasama na walang sibilyang nadamay at walang motorsiklo na nakapasok sa fire zone. Ang aktwal na binira ng mga kasama ay ang dalawampung (20) mersenaryong sundalo na nakasakay sa pampasaherong jeep na pag-aari ng 2nd IB.
Binaluktot sa ulat ni Basibas ang aktwal na oras at tagal ng ambus. Ayon kay Basibas, ang ambus ay naganap dakung alas 11:00 ng gabi. Sadyang binago ito upang bigyang katwiran ang pamamaril nila sa dalawang inosenteng sibilyang nakamotorsiklo na sinamang palad na nasawi sa kamay ng mga nininerbyos pang mga sundalo. Napaslang ang dalawang sibilyan ilang oras na ang nakaraan matapos itigil ang putukan habang maingat at ligtas na nakaatras mula sa ambush site ang mga kasama. Tuloy-tuloy na nagpapaputok ang mga sundalo kahit ilang kilometro nang nakalayo ang mga kasama. Sa panahong ito nabaril ang dalawang motorista na ayon sa mga nakasaksi ay pauwi galing sa bayan ng Juban. Pagdating sa ambus site, pinatigil sila ng natirang mga sundalong nakaposisyon sa gilid ng kalsada at walang kaabog-abog na pinagbabaril ang dalawa.
Sadyang itinago din ang tunay na identidad ng mga biktima upang hindi na mabiripika ng midya ang tunay na pangyayari mula sa mga pamilya ng biktima at mga nakasaksi. Batay sa ulat ng 2nd IB ang mga biktima ng diumanoy terorismo ng NPA ay ang magkapatid na Erwin at Remar Dioquino. Ang tunay na pangalan ng dalawang biktima ay Reymar Lota at Erwin Equiz parehong nakatira sa Bgy. Sta. Elena, Magallanes. Karaniwan na ang ganitong kabalbalan ng AFP-PNP na sibilyan ang malimit gantihan sa mga tinatamong pagkatalo laban sa Bagong Hukbong Bayan sa kabila ng kanilang ipinangangalandakang superyoridad sa bilang, kasanayan at armas.
Dapat matapang na aminin ng 2nd IB ang mga detalyeng ito at hindi laging duwag na ibintang sa Bagong Hukbong Bayan ang kanilang mga krimen sa mga sibilyan.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
No comments:
Post a Comment