Pahayag sa Midya
Ika- 21 ng Setyembre 2007
WALANG PINAG-IBA SA MGA NAUNANG INILAKONG PROGRAMA NG NAUNANG MGA REHIMEN, ang bagong pakana na Social Integration Program ng rehimeng US-Arroyo ay isang hungkag ngunit makamandag na amnesty program na walang ibang layunin kundi ang linlangin ang masa at ibang kasapi ng rebolusyonaryong kilusan. Ang tunay na layunin ng bagong programang ito sa amnestiya, tulad ng mga nauna, ay gawing gatasan ng mga kurap na opisyal ng militar at ng administrasyong Arroyo sa pamamagitan ng pagpapasuko ng mga pekeng rebelde, pagnanakaw ng milyon-milyong pabuya, pagbabayad ng mahal sa mga sirang armas na kalimitan ay galing sa militar mismo at paglulunsad ng mga multong proyekto sa mga diumano’y kooperatiba ng mga sumuko.
Ang paglalako ng amnestiyang ito ay isang malinaw na patunay ng kawalang sinseridad ng Rehimeng US-Arroyo sa pagharap sa usapang pangkapayapaan at sa mapayapang resolusyon sa armadong tunggalian. Malinaw na patunay din ito ng kanilang kasalatan sa paggagap o kundi man pagsasantabi sa tunay na ugat ng insurhensya sa bansa at ang makatarungan at pang matagalang solusyon dito. Kailanman ay hindi solusyon ang amnestiya sa umiigting na digmang bayan bagkos ay magbibibigay puwang lang ito sa malawakang panloloko at pangungurakot ng mga nasa kapangyarihan.
Wala itong pinag-iba sa iba pang tipo ng pagnanakaw at kurakot sa Gobyerno tulad Macapagal Highway, Fertilizer scam at maraming iba pa kung saan nagkamal ng limpak-limpak na kurakot ang mga opisyal ng Gobyerno. Kamakailan lang ay nabulgar ang anomalya sa ZTE Broadband deal na kinasangkutang ng milyong dolyar na kurakot. Sangkot na naman dito ang magaling lumusot sa kurakot na asawa ng pangulo, si FG Mike ” Jose Pidal” Arroyo.
Pinatunayan ng kasaysayan ang kawalang saysay ng amnestiya. Simula sa pagsuko ni Emilio Aguinaldo at ang pagbigay ng amnestiya sa kanya ng mga Amerikano hanggang sa panahon ng Hukbalahap at lumang Partido sa pamumuno ng mga Lava at Taruc at maging sa kasalukuyang henerasyon ng mga sumuko ay hindi nito nalutas ang mga batayang suliranin ng lipunan na siyang pangunahing salik sa pag-aalsa at pagrerebolusyon. Ang pagsuko at pagtanggap ng amnestiya ay pagbibigay puwang upang makapanatili sa kapangyarihan ang isa peke, mandarambong at anti-mamamayang rehimen at pag-aantala ng pagsulong ng rebolusyonaryong proseso para sa pagbabago ng lipunan.
Ang usapang pangkapayapaan ay isang pagsisikap at mahalagang rekisito para sa mapayapang resolusyon sa krisis na maisasakatuparan lamang sa ilalim ng isang matinong administrasyon. Ang amnestiya ng Rehimeng US-Arroyo ay maliwanag na pagsasabotahe sa mga pagsisikap na ito at sasamantalahin lang ng mga kurap sa gobyerno at militar. Ang tanging makatarungan at pangmatagalang solusyon sa kasalukuyang lumalalang krisis sa Lipunang Pilipino ay ang paglulunsad ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
No comments:
Post a Comment