Monday, September 24, 2007

TUTULAN AT LABANAN ANG MALAWAKAN AT MATINDING MILITARISASYON

Pahayag sa Midya

Ika- 21 ng Setyembre, 2007


Patuloy na tumitindi ang bangis at lupit ng militarisasyon sa kanayunan ng Sorsogon. Tulad ng pinaggagawa ng militar sa Castilla kung saan maraming sibilyan ang pinatay, sapilitang pagkawala at pagsilikas, pambubugbog at panununog ng bahay, kasalukuyang sinasalanta ng AFP ang mga bayan ng Magallanes, Juban, Bulan, Matnog, Gubat at Donsol. Ibat-ibang tipo ng abusong militar at paglabag sa karapatang-tao laban sa mamamayan ang naitala.

Noong ika-18 ng Setyembre 2007, muling naglunsad ng operasyong militar/SOT ang 2nd IB ng Philippine Army sa mga Barangay ng Catan-agan, Biriran at sa iba pang katabing mga Barangay sa Juban. Maraming kaso ng abusong militar ang lihim na ipinapaabot ng mga sibilyan upang maimbestigahan ng mga opisyal ng bayan at mga taga-midya. Batay sa ulat, marami ang dinampot at inimbestigahan, pilit na pumapasok sa mga bahay ng masa kahit dis-oras na ng gabi, iligal na panghahalughog, pambabastos sa kababaihan, malalang pagbabanta at pananakot, sapilitang pagpapaamin na diumano’y kasapi, ’poste’ kundi man simpatisador ng Bagong Hukbong Bayan, pagpapain ng mga sibilyan sa mga sakyada at pag-oobliga sa kanila na magbantay sa mga tsekpoints. Noong ika-20 ng Setyembre 2007, isang magsasaka sa Barangay Biriran, si Delfin Desder, 85 taong gulang, ang inatake sa puso na naging sanhi ng kanyang pagkamatay matapos ipatawag ng mga militar. Sa manera ng imbestigasyon at pananakot ng militar, marami pa ang aatakehin sa puso at mamamatay maliban pa sa mga magiging biktima ng extra-judicial killings.

Ang karahasang militar na ito ay malagim na bahagi ng OPLAN BANTAY LAYA II, ang madugong karugtong ng palpak na OPLAN BATAY LAYA I na naglalayong durugin ang Rebolusyonaryong Kilusan sa pamamagitan ng madugong atake sa mga sibilyan, mga progresibong pwersa at oposisyong pulitikal.

Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) kasabay na ang pareho ding abusadong mga CAFGUs, CVOs at death squads ang pangunahing magpapatupad ng Oplan Bantay Laya II sa ilalim ng Rehimeng US-Arroyo at tulad ng Oplan Bantay Laya I, ay tiyak na mabibigo dahil ito ay sadyang labag sa kapakanan at interes ng sambayanan. Ang OPLAN na ito ay magsisilbi lamang na pamaypay upang higit na pagliyabin ang apoy ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

No comments: