Ika-7 ng Oktubre, 2007
LUBHANG NAKABABAHALA NA ang patuloy, matindi, malawakan at sistematikong kampanya ng dis-impormasyon, panlilinlang at pananakot kasabay ng marahas at madugong pananalakay na sustenidong isinasagawa ng rehimeng US-Arroyo sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa mamamayan.
Ito ay bahagi ng paghahangad ng rehimen na mapagpasyang magapi ang rebolusyonaryong kilusan bago ang 2010 batay sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 kung saan nakaprograma ang pagpapadalas, pagpapakapal at pagpapatindi ng paninira at saywar laban sa rebolusyonaryong kilusan, sa ligal na demokratikong kilusang masa at pulitikal na oposisyon kaalinsabay ng marahas na kampanya ng pamamaslang/extra judicial killings at teroristang panunupil maging sa mga inosenteng sibilyan na pinaghihinalaang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan upang makapaghasik ng matinding takot sa puso at isip ng mamamayan.
Bukod sa pagsusulong ng kontra-rebolusyonaryong digma laban sa Bagong Hukbong Bayan, mga rebolusyonaryong pwersa at baseng masa nito sa kanayunan, bahagi rin ng OBL 2 ang paghahasik ng militarisasyon, terorismo at pasistang saywar-propaganda sa kalunsuran sa layuning durugin ang buong ligal na demokratikong kilusan at rebolusyonaryong kilusang lihim. Hindi rin ligtas sa kontra-rebolusyonaryong atakeng ito ang mga kasama sa ibang bansa tulad nina kasamang Jose Maria Sison na kamakailan lang ay ibinartolina sa The Netherlands dahil sa gawa-gawang mga kaso. Siya ay agad namang pinalaya ng Hukumang Dutch dahil sa kahinaan ng kaso laban sa kanya.
Sadyang pursigido na ang rehimeng Arroyo, sa atas ng kapwa-teroristang amo nito - ang Imperyalismong US, na tudo-tudong ilunsad ang Oplan Bantay Laya 2 kahit magresulta man ito sa kamatayan ng libo-libong mamamayan dala ng gutom, sakit at ektra-hudisyal na pamamaslang. Nagsimula sila sa pagkukundisyon ng opinyong publiko upang pikit-matang tanggapin ang maruming pakana na ito.
Ito ang buhay na karanasan ng Sorsogon.
Naglatag ang kaaway ng isang sistematikong kampanyang saywar-propaganda hanggang 2010. Nilalaman ito ng mga internal na dokumento ng AFP-PNP na napasakamay ng BHB mula sa mga labanan. Nakikita rin natin ito ngayon sa galaw at mga pahayag ng mga punong upisyal ng rehimeng US- Arroyo sa seguridad, militar at pulisya.
Pinagtutuunan ng kanilang pasistang saywar-propaganda ang paglalabas ng mga gawa-gawang kaso o binaluktot na mga pangyayari upang palabasing mga terorista, mandarahas, mapang-abuso sa karapatang-tao, kriminal, hiwalay sa mamamayan at di tunay na rebolusyonaryo ang PKP-BHB. Patunay dito ang pamamaslang sa mga lokal na lider at aktibong kasapi ng Bayan Muna at iba pang samahang masa (na umaabot na sa 50 ang kaswalti sa Sorsogon lang) na pilit na ibinibintang sa BHB, pambabaluktot sa aktwal na nangyari tulad ng ambus sa Juban kung saan pilit na pinagtatakpan ang kanilang pamamaslang sa dalawang inosenteng sibilyan sa kabila ng patotoo ng mga nakasaksi sa lugar ng pinangyarihan, pagkubkob diumano sa mga inabandonang kampo at pagkabawi ng mga kagamitang miltar, pagpasuko ng mga pekeng BHB at maraming iba pa.
Sa pagpapalaganap ng lahat ng pakanang ito, pangunahing ginagamit ang mass media –print, tv at broadcast, mga pulong-pulong sa barangay na nasa ilalim ng SOTs at iba pang pamamaraan upang ipalaganap ang malawakan, matindi at madalas na pasistang saywar-propaganda. Nagbuo sila ng mga grupo ng mga propagandista tulad ni Basibas at maraming iba pa na sadyang sinanay sa pagtatahi ng kasinungalingan, paninira at maging sa personal na pag-atake sa mga personahe ng rebolusyonaryong kilusan. Maging si PD Regondola ay biktima rin ng kuryenteng ulat ng kanyang mga tauhan na naghahabol ng promosyon. Patuloy kayong pinapasahan ng mga baluktot na ulat at linubid na kasinungalingan at sa kabila ng pagkakabuko at matapang pa nila itong pinaninindigan na totoo.
Sa ganitong kalagayan, kami ay umaapela sa mapanuri, patas at makatotohanang pamamahayag sa Sorsogon.
Batayang karapatan ng mamamayan na malaman ang katotohanan. Hindi dapat maitago sa publiko ng mapanlinlang na saywar-propaganda ang marahas at madugong pananalakay at kalupitan ng Oplan Bantay Laya 2 sa mamamayang Sorsoganon. Sa inyong mga radyo, tv at dyaryo nakasasalalay ang paghahayag ng katotohanan. Huwag po kayong pumayag na salaulain ito, sa ngalan ng pasistang saywar-propaganda, ng rehimeng US-Arroyo sa ilalim ng OBL 2.
Kaugnay nito, umaasa kaming palaging bukas ang midya ng Sorsogon na tanggapin at ibukas sa publiko ang mga liham, pahayag at iba pang porma ng komunikasyon ng Bagong Hukbong Bayan-Celso Minguez Command bilang sagot sa mga paninira at kasinungalingan ng AFP-PNP laban sa rebolusyonaryong kilusan at sa aming mga pahayag ng paninindigan sa mahahalagang usaping pangrebolusyon at pambayan.
Hindi namin hinihingi na pumanig, magsimpatiya o sumuporta kayo sa rebolusyonaryong kilusan. Ang hinihingi lang namin ay patuloy kayong pumanig sa katotohanan at sa sambayanan.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), mga CAFGUs, CVOs at death squads kasabay ang mga mayor na ahensya ng gobyerno at mga NGOs na kasapakat ng rehimen ang pangunahing magpapatupad ng Oplan Bantay Laya 2. Ngunit tulad ng Oplan Bantay Laya I, ang OBL 2 ay tiyak na mabibigo dahil ito ay sadyang labag sa kapakanan at interes ng sambayanan. Higit lang itong magpapalala sa sosyal, pang-ekonomiya at pampulitikang krisis na dulot ng peke, pasista at mandarambong na rehimeng US-Arroyo. Ang OBL 2 ay magsisilbi lamang na pamaypay upang higit na pagliyabin ang apoy ng pambansa demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.
Ipinapaabot po namin ang aming Mapulang Pagpupugay!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
No comments:
Post a Comment