Tuesday, October 23, 2007

PANAWAGAN SA MGA MAKABAYANG KAWAL , PULIS AT MGA ELEMENTO NG CAFGU

Ika-17 ng Oktubre, 2007


Ganap nang nalantad ang kabulukan ng napaka-imoral, peke, mandarambong at teroristang rehimeng US-Arroyo sa pagsambulat ng ibat-ibang iskandalo at anomalya sa gobyerno.

Bagamat hindi na ito bago sa mata ng publiko ngunit talagang umabot na sa sukdulan ang kawalanghiyaang ito ng rehimen na kinailangan nang maglaan ng milyon-milyong halaga upang ipansuhol sa mga opisyal ng burukrasya at militar para lang makapanatili sa poder.

Hindi pa nga nakakaalpas sa isyu ng malawakang pandaraya sa eleksyon gamit si Garcillano, sa fertilizer scam at sa maraming iba pang pandarambong, muli na namang nabulgar ang pinakabago at isa sa pinakamalaking iskandalo ng rehimen, ang maanomalyang transaksyon sa 329 milyong dolyar na ZTE Broadband project na kinasangkutan ng mismong Chairman ng COMELEC na si Benjamin Abalos na sadyang ginawang pansakripisyong tupa sa kaswapangan ng mag-asawang Mike at Gloria Arroyo.

Sadyang bulok na sa kaibuturan at bangkrap na sa moralidad ang rehimeng US-Arroyo dahil imbis na magbitiw na sa pwesto sa gitna ng sunod-sunod na iskandalo at ng panibagong impeachment, upang bigyan man lang ng kahit kaunting kahihiyan ang opisina ng pangulo at ang kanyang sarili bilang isang babae at isang ina, ay nagpamudmod ito ng mula sa 200 hanggang 500 daang libong pisong suhol sa bawat Gobernador at mga Mayor. Maliban pa ito sa 1 hanggang 2 milyong panunuhol sa mga kongresista at sa milyon-milyong ding suhol para sa katapatan ng mga kurap na opisyal ng militar tulad nina Heneral Esperon.

Sa kabilang panig, ang malupit na sagot sa pagkilos ng mamamayan laban sa kabulukan ng estado at rebolusyonaryong pakikibaka para sa tunay na pagbabago ay ang patuloy, matindi at malawakang kampanya ng marahas at madugong pananalakay sa kanayunan at kalunsuran na masigasig at sistematikong isinasagawa ng rehimeng US-Arroyo sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 .

Kayong mga karaniwang sundalo, pulis at cafgu ang isinusuong sa madugong labanan sa kanayunan at ginagamit na malupit na tagawasak ng mga mobilisasyon sa kalunsuran upang supilin ang lehitimong pakikibaka ng mamamayan habang ang inyong mga opisyal ay nagpapakabundat sa kurakot mula sa dambuhalang pondo ng militar at maging sa inyong maliit na sahod at mga benepisyo at sa milyong suhol na tinatanggap. Napakabigat ibigay ng matagal nyo nang hinihinging pagtaas ng combat pay gayung bilyong piso ang ginugugol sa panunuhol at pagbili sa katapatan ng mga opisyal ng militar.

Kamakailan lang ay nagpaabot sa midya ang mga myembro ng CAFGU na ang kanilang kakarampot na alawans ay kinurakot ng kanilang mga opisyal. Maraming mga Cafgu na mula pa noong Hunyo ay di pa nakakatanggap ng kanilang alawans.

Sa ganitong kalagayan ng talamak na kurapsyon, marahas na pananalakay sa mamamayan at kawalang pag-asa, wala nang moral na batayan ang inyong pagtatanggol at pagbubuwis ng buhay para sa imoral at bulok na rehimen US-Arroyo.

Batid naming patuloy na lumalawak at lumalalim na ang disgusto at demoralisasyon sa inyong hanay. Maraming bilang na ng inyong mga kasamahan ang hindi na maatim na magsilbi at magtanggol pa sa bulok at imoral na rehimen na ang tanging alam na paraan upang desperadong makapangunyapit sa poder ay ang garapalang pagpapakatuta sa Imperyalismong US, malakihang pangungurakot at panunuhol, at sa marahas at madugong pananalakay sa mamamayang lumalaban.

Dahil dito, dapat nating maunawaan na hindi ang mamamayan at Rebolusyonaryong kilusan ang inyong tunay na kalaban. At bilang indibidwal, hindi rin kayo itinuring na kalaban ng Bagong Hukbong Bayan maliban lang sa ilan ninyong kasamahan na may malubhang krimen sa masa.

Ang tunay nating kalaban ay ang reaksyunaryong AFP at PNP na nagbubulok sa inyo upang maging reaksyunaryong hukbo at pulis na bulag na tagapagtanggol ng isang teroristang rehimen at bulag na tagasunod sa marahas at mapanupil na atake nito laban sa mamamayan.

Makatarungan lamang na magkaisa tayo upang maging tunay na tagapagsilbi at tagapagtanggol ng mamamayan sa pamamagitan ng hayagang pagsuway ninyo sa mga atas ng pananakot, panggagahasa, pagnanakaw, pagdukot at pamamaslang ng mga inosenteng sibilyan sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2.

Makatarungan lamang na magkaisa tayo sa pagpapabagsak sa bulok, peke, mandarambong, terorista at imoral na rehimeng US-Arroyo sa pamamagitan ng maramihang defection at ganap na pagsanib sa Bagong Hukbong Bayan.

Dala ang inyong mga armas, kagyat kayong makipag-ugnayan sa mga kasama o sa inyong mga kapamilya sa mga sonang gerilya at agad na magpasama sa alinmang yunit ng BHB.

Sa mga kasama sa AFP, PNP at CAFGU, ito na ang inyong napakahalaga at pambihirang pagkakataon upang muling ibalik ang inyong niyurakang dignidad at respeto sa sarili. Bilang mga bagong kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, ito na rin ang pinakapambihirang pagkakataon upang aktibo kayong makalahok sa makasaysayang pagbabago ng lipunan at maging tunay na hukbo ng Sambayanan.

Ang makasaysayang pagpapasya ng pagsanib na ito sa Bagong Hukbong Bayan ang pinakamarangal na pamana natin sa ating mga anak.

Ito rin ang pinakamarangal at tunay na ekpresyon ng ating paglilingkod sa Sambayanan.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!

Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Ka Samuel Guerrero

Tagapagsalita

No comments: