Ika-25 ng Oktubre, 2007
SOBRA NA, TAMA NA! ang mahabang pasensya sa kabulukan ng napaka-imoral, peke, mandarambong at teroristang rehimeng US-Arroyo .
Sunod-sunod nang sumambulat at hindi na napigilan ang pagkalantad ng mga iskandalo ng katiwalian ng rehimen na nagbunsod ng panibagong kaso ng impeachment at nagtulak sa simbahang katoliko at iba pang sektor na magkaisa sa panawagan ng pagbibitiw.
Muling umalingasaw ang baho ng rehimen ng mabuko ang anomalya sa 329 Milyong Dolyar na ZTE Broadband project na kinasangkutan ng mismong Chairman ng COMELEC na si Benjamin Abalos na sadyang ginawang pansakripisyong tupa upang mapagtakpan ang papel ng mag-asawang Mike at Gloria Arroyo sa maanomalyang transaksyon. Nataranta ang kampo ni Arroyo sa pagtakip sa isyu kaya kagyat itong napatawag ng pulong ng mga kaalyado sa Malakanyang at dito garapalang nagpamudmod ng suhol sa mga Gobernador at Alkalde kapalit ng katapatan at suporta ng mga ito.
Nauna na dito ang 1 hanggang 2 milyong panunuhol sa mga kongresista at ang milyon-milyong ding suhol sa mga kurap na opisyal ng militar tulad nina Heneral Esperon.
Upang mapagtakpan ang kabulukang ito ng rehimen, kinailangan nitong gamitin ang lahat ng pinakamarumi at pinakatusong paraan para lang makapanatili sa poder tulad ng panunuhol. At nang makitang hindi na umuubra ang taktika ng panunuhol ay bumaling na ito sa kanilang matagal nang plano ng pagpapataw ng di-deklaradong Martial Law sa maskara ng Human Security Act upang makontrol ang nag-aalimpuyong sitwasyon sa kalunsuran at umiigting na armadong pakikibaka sa kanayunan at tiyaking makapanatili sa poder ng lampas sa 2010.
Kaugnay nito, ang rehimen ay muling nagsimula na maglikha ng paborableng klima para sa pagpapatupad ng Marial Law tulad ng pambobomba at iba pang aksyon ng terorismo ng estado upang maghasik ng matinding takot sa puso at isip ng mamamayan at bigyang katwiran ang marahas na pananalakay sa malalaking pagkilos ng mamamayan at sa pag-iingay ng mga oposisyon laban sa kanyang pananatili sa kapangyarihan.
Ang pambobomba ay bahagi ng isang desperadong pakana ng rehimen US-Arroyo na nakapaloob sa ”Oplan Green Base” na plinano nina Norberto Gonzales at Heneral Esperon. Batay sa pagbubulgar ni Sen. Trillanes, sa Oplan Green Base, militar mismo ang magsasagawa ng pambobomba sa mga piling matataong lugar upang maghasik ng terorismo na otomatikong iaakusa sa mga ”kalaban ng gobyerno” kasabay na ang oposisyong pulitikal at rebolusyonaryong kilusan. Gagamitin ito bilang mayor na bahagi ng taktika ng panlilihis upang iligaw ang publiko sa tunay na isyu ng malawakang katiwalian, pandarambong at garapalang suhulan tungo sa paglalatag ng kondisyon at pagbibigay katwiran sa mga ilulunsad na mararahas at madudugong pananalakay laban sa mamamayan sa disenyo ng Oplan Bantay Laya 2 at sa pagpataw ng Martial Law.
Sa ganitong kalagayan, wala nang natitirang opsyon ang mamamayan kundi ang sama-samang pagkilos at pag-aalsang bayan upang ibagsak ang bulok at imoral na Rehimeng US-Arroyo.
Makatarungan lamang na magkaisa tayo -- mga manggagawa, magsasaka, kabataan, propesyunal at taga-midya, mga alagad ng simbahan, negosyante at pinunong makabayan-- sa pagpapabagsak sa bulok, peke, mandarambong, terorista at imoral na rehimeng US-Arroyo sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa mga mobilisasyong masa sa kalunsuran.
Makatarungan lamang na sumapi ang malawak na bilang ng mamamayan sa Bagong Hukbong Bayan at aktibong lumahok sa armadong pakikibaka tungo sa pagtatatag ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Ka Samuel Guerrero
Tagapagsalita
No comments:
Post a Comment